Masiglang turismo ang maaasahan ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson dahil sa mga plano na kanyang inilatag upang masolusyunan ang epekto ng pandemya sa industriyang ito.
Sinabi ito ni Lacson sa kanyang pagbisita sa Odiongan Municipal Tourism Office sa probinsya ng Romblon, kasama ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ at senatorial candidate Emmanuel ‘Manny’ Piñol.
Sa panayam ng mga mamamahayag na nakabase sa Romblon, ikinonekta ni Lacson ang kanyang plano para sa turismo sa pangunahing plataporma niya na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program.
“That (BRAVE) is what we need, kasi hindi na-di-distribute ‘yung resources ng government, naiipon lagi sa national,” saad ni Lacson.
Aniya, sa pamamagitan ng masinop na paggastos sa pambansang budget at patas nitong pamamahagi sa mga local government unit, walang lokal na industriya ang maiiwan at lahat ay magkakasabay na mararamdaman ang kaunlaran dahil sa pagbisita ng mga turista, lokal man o dayuhan.
Sa kabisera ng lalawigan na bayan ng Romblon, may ilan sa mga lokal na restaurant at negosyo tulad ng marmol, ang tumamlay noong kasagsagan ng pandemya bunsod ng pagkawala ng mga turista. Ilan lamang ang nakayanang makatawid sa epekto ng mga lockdown, habang ang iba ay ngayon pa lamang nakakabangon.
“What I can offer sa Romblon [is] the same [as] what I will offer the other far-flung, mga isolated na mga municipalities and provinces na laging umaasa na lang sa—namamalimos sa national government pagdating ng mga projects,” sabi ni Lacson.
Samantala, muling giniit ni Lacson ang kanyang pananaw sa responsableng pagmimina para protektahan ang natural na ganda ng lalawigan, tulad ng Isla ng Sibuyan na ayon sa ilang mga mamamahayag ay palaging tina-target ng mga kompanya ng minahan.
Binansagan ang Sibuyan ng mga natural scientist, lokal man o international, bilang ‘Galapagos ng Asya’ dahil sa hindi nagagambalang ecosystem at mayamang uri ng mga halaman at hayop sa lugar na ito na nalalagay sa banta ng pagmimina.
Para kay Lacson, sa maliit man o malalaking operasyon ng pagmimina, marami dapat ang mga nakikinabang dito kung maayos na naisasagawa ang mga proseso at may respeto pa rin sa kapaligiran ang mga nasa sektor nito.
“Marami dapat makinabang sa mga mining operations kung maayos ‘yung paggawa [at] hindi na-da-damage ‘yung environment and yet, in terms of revenues makikinabang ‘yung mga tao, ‘di ba? Ganoon dapat,” ayon kay Lacson.
“So, ‘pag ang mga isyung ‘yan hindi pwedeng… Walang executive privilege. Mining? Ngayon lang ako nakarinig ng mining executive privilege,” dagdag pa niya.