Isinagawa noong Abril 6 sa Sitio iratag, Barangay Irawan, Puerto Princesa City ang turn-over ceremony at ceremonial signing ng Memorandum of Agreement ng housing project para sa mga katutubong Tagbanua na nawasak ang mga bahay ng bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Ito ay pinangunahan ni DOE Secretary Alfonso Cusi, ang Mimaropa Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) kasama ang mga opisyales ng Rotary Club of Makati Central, ang major donor ng housing project, National Council of Indigenous Peoples (NCIP), NATRIPAL, IP leaders at ang PTF-ELCAC.
Ayon kay Secretary Cusi, 13 na katutubong Tagbanua ang benepisyaryo ng proyekto. Aniya, nasa P20K per unit lang ang gastos dahil ito ay ginawa sa pamamagitan ng bayanihan ng mga katutubo at ang ginamit na ibang materyales ay ang mga kahoy sa kumunidad na nabuwal ng bagyo. Nangako rin aniya ang RCMC na isusunod agad na mapatayuan ng katulad na bahay ang natitirang 72 mga katutubo na bahagyang nasira ang bahay ng bagyo.
“Ngayon po, ito namang proyektong ito, ang pabahay, hindi po ito mangyayari kung hindi po sa pagtulong-tulong ng ating pamahalaan at ng atin naman pong mga kababayan na mas maayos ang pamumuhay sa pamamagitan ng Rotary Club Makati Central (RCMC),” saad pa niya.
Lubos namang nagpasalamat ang mga katutubong Tagbanua na benepisyaryo ng proyektong pabahay. Ayon kay Rolando Perez, Punong Tribu at isa sa mga benepisyaryo ng housing project, nagpapasalamat siya dahil magkakaroon na sila ng bahay na matibay. Ito kasi ay typhoon-resistant shelter na gawa sa ‘metal roofing’ at ‘mortar topping’.
Samantala, binigyang-diin naman ni Puerto Princesa City Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Johnmart M. Salunday na napakahalaga ng housing project na ito dahil makakatulong ito para makabawi ang mga katutubong tagbanua mula sa mga pangyayari sa kanila simula noong nagkaroon ng Covid-19 pandemic na sinundan pa ng pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre 2021. Nagpasalamat rin siya sa tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte at hiling niya rito na sana ay patuloy na tulungan ang mga katutubo sa siyudad.