Nagmarka na sa tambalang Lacson-Sotto ang pagsusuot ng checkered polo imbes ang tradisyunal na paggamit ng partikular na kulay, katulad ng ginagawa ng ibang mga kandidato, tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon para maging disenyo ng kanilang pulitika.
Sa media forum ng ‘Kapihan ng Samahang Plaridel’ ngayong Lunes (Abril 11) naitanong kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niya na si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III ang obserbasyong ito ng mga sumusubaybay sa kanila ngayon panahon ng kampanya.
“Ako, ever since checkered talaga kasi parang it represents—para sa akin ha—hard labor, parang ganyan,” sabi ni Lacson sa nasabing forum na pinangunahan ng journalist-author na si Julie Yap-Daza. Tinawag niya ang dalawang senador na pinaka-kakaiba dahil sa kanilang ‘look-alike shirts.’
“It represents all sectors dahil all colors pwede,” ayon naman kay Sotto. Anila, simbolo rin ito na hindi sila naniniwala sa political colors at sa halip ay isinusulong nila ang pagpili ng kandidato ngayong eleksyon na nakabatay sa kakayahan at hindi sa kulay o grupong kinabibilangan.
Ayon pa sa Lacson-Sotto tandem, ikinararangal nila na bilang mga kandidato ay hindi sila natutulad sa iba na idinadaan sa entertainment o pagsasayaw at kanta ang pagsuyo sa mga botante. Mas makabuluhan umano ang kanilang istilo ng pangangampanya na nakatuon sa pakikipagdayalogo sa publiko.
“It’s better that way. Kasi sa mga rally, you attract people kasi marami kayong entertainers… In that case, we would rather dialogue with the people because we learn a lot from them—‘yung mga common problems, common issues, concerns nakukuha namin—and we are forced to research,” sabi ni Lacson.
Para naman kay Sotto, “I have been involved in seven national elections ha and I’ve seen it all. I’ve seen the dancers, I’ve seen the singers, I’ve seen the comedians… But our style in these national elections, presidential and vice-presidential ang tinatakbuhan mo e. You have to come across to the people. You have to let them know what you stand for, what you have done, your track record and what you plan to do.”
Kasama rin ng Lacson-Sotto ang senatorial candidate na si Dra. Minguita Padilla na sumusuporta sa kanilang kandidatura umpisa pa lamang ng kampanya. Ayon sa Eye Bank Foundation of the Philippines founder, nasaksihan niya ang positibong reaksyon ng mga botanteng Pilipino na dumadalo sa kanilang mga town hall meeting at napapakinggan ang Lacson-Sotto tandem.
“You should see the faces of the people; their faces light up. Tapos ang comment nila, ‘ayoko sanang pumunta rito, kasi akala ko rally lang. Hindi ko akalain na makakapagtanong kami at masasagot kami.’ It makes a difference to them on the ground,” ayon sa batikang ophthalmologist at senatorial aspirant.
Sabi pa ni Lacson, “Saka napansin namin maganda ‘yung conversion, mas na-e-engage na namin because we’re able to address their problem whether prospective or immediately na-re-resolve ‘yung problema nila. So, kita nila talaga na ito ‘yung team na may gagawin talaga.”