Tiyak na papatok ang mga produkto o serbisyo ng mga micro, small, and medium-enterprises (MSME) kung may direktang ahensya ng pamahalaan na tutulong para ipakilala ito sa mga pamilihan, lokal man o pandaigdigan, na tatawaging Local Industries Development Authority.
Ito ang mungkahing proyekto ng kandidato sa pagka-senador at dating kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura na si Manny Piñol sa ilalim ng liderato ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson. Layunin ng LIDA na palakasin ang mga lokal na industriya sa bawat lalawigan ng bansa, bukod pa sa ipinatutupad na programang ‘One Town, One Product.’
Ayon kina Lacson at Piñol, kung matutulungan lamang ang mga lokal na industriya sa pamamagitan ng pamamahagi ng sapat na pondo at pagpapakilala sa kanilang mga produkto, ay uunlad din maging ang mga MSME na ibinebenta sa publiko ang mga produkto na sikat sa kanilang lugar.
“Sino ba naman ang may gusto ng imported kung mayroon tayong local? Ang problema kung mura ‘yung imported nang ‘di hamak kaysa sa local, doon na tayo sa imported,” ayon pa kay Lacson na tinutukoy ang kultura ng importasyon na pumapatay sa ilang mga lokal na industriya.
Ayon naman kay Piñol, nararapat lamang na bawasan na ang importasyon na nagpapahirap, hindi lamang sa mga maliliit na negosyante, kundi pati na rin sa mga manggagawa na nagmimina o nag-a-ani ng mga inaangkat na raw materials ng iba’t ibang bansa para gawing produkto at saka ibabalik sa Pilipinas.
“Alam niyo sa amin sa Mindanao, for example, ‘yung aming mga minerals doon, ‘yung aming iron ores, hinahakot in raw form. Kinakarga sa barko, dinadala sa China, doon ginagawang pako, binabalik sa Pilipinas. Binibili natin import na pako. Pero ‘yung bakal galing sa atin. That’s how ironic it is,” paliwanag ng dating Agriculture secretary.
Sa kanilang pagbisita sa probinsya ng Romblon na tinaguriang ‘Marble Capital of the Philippines’, ipinaliwanag ni Lacson ang kanyang plano para sa mga industriya na matatagpuan lamang sa bawat lalawigan tulad nito.
Dagdag pa ni Piñol, kung meron nang ahensya na tututok sa mga lokal na kabuhayan tulad ng pagawaan ng marmol sa Romblon, magkakaroon ng maayos na paraan ang gobyerno para matulungan ang nasabing industriya sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag puhunan, gabay sa inobasyon at marketing sa kanilang mga produkto.