Isa na namang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Bienvenido Valleber Command ang boluntaryong sumuko sa Puerto Princesa City Mobile Force Company sa Bgy. Luzviminda na pinamumunuan ni PLtCol. Victor N. Lacwasan nitong Abril 21, 2022.
Ayon sa ulat ng PNP-Puerto Princesa City Police Office, kinilala ang sumukong NPA na si ‘Alyas Ka Javier’, 22 taong gulang, binata at magsasaka na residente ng Sitio Iraan, Purok Maligaya, Bgy. Magara, Roxas, Palawan.
Ito umano ay na-recruit nina ‘Alyas Ka Rise/Ka Rey’ at ‘Alyas Ka Miggy/Ka Wendy’ noon pang Enero 2019 habang ito ay nagtatrabaho sa pagmimina ng ginto at naging aktibong miyembro ng NPA noong Marso 2020.
Ayon kay PNP-Acting City Director PCol. Roberto M. Bucad, ang pagsuko ni Ka Javier ay resulta ng walang humpay na ‘counter-insurgency campaign’ ng pamahalaan sa ilalim ng EO 70 to itong whole of nation approach to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Samantala, muling naka-rekober ng matataas na kalibre ng baril at mga bala ang Philippine Marines nitong Abril 22, 2022 sa Sitio Iraan, Bgy. Magara, Roxas, Palawan.
Ang pagkakadiskubre ng mga ito ay kaugnay ng patuloy na pagsasagawa ng intensified focus military operations ng Joint Task Force Peacock (JTFP) na pinamumunuan ni BGen. Jimmy D. Larida PN(M) at sa tulong na rin ng dating Militia ng Bayan na siyang nagturo ng kinaroroonan ng nasabing mga gamit pandigma.
Ang mga narekober ay isang M16 Rifle (Bushmaster), limang piraso ng long magazine, at 83 rounds ng 5.56mm na mga bala. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)