Binuksan na noong Biyernes, April 1, ang Agri-Trade Fair 2022 sa bayan ng Odiongan, Romblon kasabay ng 175th Founding Anniversary ng bayan.
Pinangunahan ang opening ceremony nina Mayor Trina Firmalo-Fabic at Ronie F. Panoy ng Department of Agriculture Mimaropa na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya sa bayan at mga grupo ng mga magsasaka.
Sa nasabing Trade Fair ay tampok ang iba’t ibang produktong galing sa mga magsasaka at mangingisda ng Odiongan at kalapit na mga bayan dito katulad ng mga gulay, mga alagaing kambing, at iba pa.
Layunin nito na mabigyan ng pagkakataong maipakita sa mga bisita at sa publiko ang mga produkto ng mga magsasaka ng lalawigan ng Romblon lalo na’t inaasahan ang maraming bisita ngayong linggo dahil sa Kanidugan Festival.
Hinikayat ng lokal na pamahalaan na tangkilikin ang mga produkto na makikita sa nasabing trade fair. (PJF)