Ngayong 2022 eleksyon, ang mga kasamang kandidato ng grupo ni dating Governor Dr. Eduardo Firmalo ay karamihan ay bago pagdating sa politika. Ipinakilala ang mga ito sa mga mamahayag sa ginanap na press conference kamakailan sa bayan ng Odiongan.
Si Firmalo ay muling tumatakbo sa pagka-gobernador ng lalawigan, kasama si re-electionist Vice Governor Felix Ylagan at Congressional Candidate Joey Venancio.
Pinakilala ni Firmalo ang mga kasama nito na kandidato sa unang distrito na sina Ken Festin, William Mazo, Ret. General Linda Mingoa, at si dating San Fernando Mayor Dindo Rios.
Sa nasabing press conference ay naging pangunahing paksa ang kampanya ng grupo kontra sa vote buying.
Maliban rito, binahagi rin ng mga kandidato sa pagka-SP sa first disctrict ang kanilang plataporma.
Para kay Mingoa, ilan sa mga isusulong niya ay ang pagkakaroon ng open na konsultasyon para sa lahat, opportuniy para sa lahat ng Romblomanon pagdating sa pagkakaroon ng trabaho, at ang magkaroon ng maayos na palakad sa gobyerno.
Kay Festin naman, tutuunan niya ng atensyon ang mga kabataan, at sining at kultura ng probinsya.
Sa mga pobre namang mga barangay tututok si William Mazo. Aniya dapat bigyan ng tulong ang mga barangay na mababa ang mga Internal Revenue Allotment (IRA).
Ang agrikultura naman sa probinsya ang tututukan ni dating San Fernando mayor Dindo Rios.
Aniya, ang probinsya ay maraming pwedeng maging produkto at napakalapad umano ang sakahan sa probinsya para paglagyan ng iba’t ibang produkto na pwedeng ibenta sa labas ng probinsya kagaya ng ginagawa ng Mindoro at Nueva Ecija.
Kandidato naman sa pagka-Sangguniang panlalawigan sa second district sa grupo nina Firmalo sina re-electionist Joe Madrid, labor leader na si Wilson Fortaleza, mamahayag na si Tony Macalisang, at si Dr. Romy Faeldan.
Sinabi ni Madrid na patuloy nitong gagawin ang kanyang giangawa sa Sangguniang Panlalawigan kabilang na ang pagiging watcher, fiscalizer, at ipagpapatuloy ang kampanya para mapanatili ang magandang kalikasan sa probinsya.
Plataporma naman ni Fortaleza ay ang gawing labor compliant ang probinsya at masiguro na ang lahat ng kompanya rito ay sumusunod sa labor standards. Tutulungan niya rin ang iba’t ibang sektor sa lalawigan.
Para naman kay Macalisang, ipagpapatuloy nito ang matagal ng ginagawa sa larangan ng pamamahayag, ito ay ang patuloy na pagpapakilala sa publiko kung ano ang ganda ng probinsya ng Romblon.
Sinabi rin nito na susuportahan niya ang mga programa na isinusulong ni Dr. Firmalo pagdating sa Health services ng lalawigan maging ang mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda.