Hindi na kailangan ng Safe, Swift and Smart Passage (S-Pass) ang sinumang babiyahe patungong probinsya ng Romblon habang nasa Alert Level 1 ang probinsya.
Ito ang kinumpirma kamakailan ni Atty. Lizette Mortel sa Romblon News Network matapos mapasailalim ang probinsya ng Romblon sa Alert Level 1 noong Marso.
Sinubukan ng team ng Romblon News Network na bumiyahe mula Batangas patungong Odiongan, Romblon at dito nakumpirma na hindi na hinahanapan sa Batangas Port ang mga pasahero na patungo sa Tablas Island.
Maging ang mga pasaherong galing rin sa Danggay Port sa Oriental Mindoro ay hindi na rin hinahanapan ng S-Pass para makabili ng ticket hanggang sa dumating sa pantalan sa Poctoy Port.
Tanging ang hinahanap nalang sa mga pantalan na may biyahe papasok sa probinsya ay ang katunayan na ang isang biyahero ay bakunado na laban sa Covid-19.
Wala pang nakukuhang kopya ng executive order ni Governor Jose Riano ang Romblon News Network na may kinalaman sa bagong Alert Level system ng probinsya ngunit batay sa guidelines ng National IATF, hindi na kailangan ang S-Pass sa interzonal travel sa mga lugar na nasa Alert Level 1.