Sinisiguro ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na masusugpo ang korapsyon sa mga opisyal ng gobyerno kung maipadarama sa kanila na hindi nila kailangang magnakaw, sa pamamagitan ng 15-85 porsyentong hatian ng pambansang budget, kung saan mas malaking parte ang mapupunta sa mga local government unit (LGUs).
Ayon kay Lacson, kung siya ang mahahalal na susunod na pangulo ay gagamitin niyang pormula panlaban sa katiwalian ang ginawa na niya noong maupo siya bilang hepe ng Philippine National Police simula 1999 hanggang 2001. Nakilala siya rito dahil sa maayos na pamamahala kung saan nasugpo ang mga kaso ng katiwalian at pangongotong ng mga pulis sa kalsada.
Ibinahagi niya ito sa panayam ng DYRD online radio station nitong Miyerkules (Abril 6) sa Tagbilaran City, Bohol, kung saan sinabi ni Lacson na plano niyang alisin ang korapsyon simula sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno patungo sa antas ng mga LGU.
Para magawa aniya ito, kailangan ng isang standard na polisiya tulad na lamang ng 15-85 na hatian sa taunang budget ng gobyerno. Sa ginawa niya sa PNP, ibinigay ni Lacson ang 85 porsyento ng pondo sa mga regional unit at 15 porsyento lamang ang napunta sa national headquarters.
“Kasi at that time 60 percent (of the funds) nasa headquarters, 40 percent lang bumababa sa mga frontline units. Sabi ko, hindi pwede ito, mangongotong ‘yung mga pulis natin pagka walang pondo. So, sabi ko, 15 (percent) lang tayo sa headquarters, 15 at saka 85 (sa regional offices),” saad ni Lacson.
Sa kanyang karanasan bilang hepe ng PNP, sinabi ni Lacson na umaabot sa P100-milyon ang kanyang discretionary funds o tinatawag ding command reserves. Aniya, tinanggihan niya ang paggamit nito para lang sa sarili niyang interes at sa halip ay inilipat ang pondo pantulong sa mga pulis na nasasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ibinahagi rin ni Lacson kung paano niya tinanggihan ang paggamit ng credit card mula sa PNP para umano sa personal niyang paggastos. Aniya, bukod sa hindi niya ito magagamit dahil wala naman siyang luho, kasiraan din ito sa kanyang prinsipyo.
“’Bakit kailangan mo ‘yan?’ ‘Sir, pati ano ‘yan, pang-shopping-shopping mo ‘yan, pati kay misis pang-grocery.’ Sabi ko, ‘Hindi. Isoli mo ito.’ Sabi ko, ‘Hindi ko kailangan ito,’” kuwento ni Lacson sa naging pag-uusap nila ng kanyang administrative officer na nagbigay sa kanya ng credit card.
Inatasan din ni Lacson ang kanyang finance officer na noon ay si PNP Chief Superintendent Romeo Acop upang magpadala ng pera sa mga regional unit para hindi nila gamitin ang kanilang sariling budget kung bibisita ang mataas na opisyal ng kapulisan para sa kanilang mga command conference.
“Sabi ko, ‘pag dadalaw tayo, tayo gagastos. Huwag mo silang pagastusin. ‘Yung mga regional directors, ano ‘yan, tayo magdala, tayo magpapakain. Tayo ‘yung lahat ng gagastos pagka mga command visits natin. ‘Yon ang patakaran ko,” pag-alala ni Lacson sa atas niya kay Acop.
Si Acop ay kabilang sa malalapit na staff ni Lacson sa kanyang aktibong serbisyo sa PNP. Matapos magretiro, nahalal siya bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Antipolo, at ngayon ay nagsisilbi naman bilang campaign manager ni Lacson.
Sabi pa ng batikang lingkod-bayan, ang mga insidenteng ito ay nagpalakas pa sa kanyang prinsipyo na ‘leadership by example’ at nagpatibay sa kanyang laban kontra korapsyon. Mahalaga kay Lacson na maging mabuting ehemplo para tularan siya ng kanyang mga tauhan at tagasunod.