Pinangunahan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Bernie Cruz ang ginawang pamamahagi ng mga certificates of land ownership award (CLOA) sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Pandan, Santa Fe ngayong Martes, March 1.
Ito ay matapos ang halos 25 taong paghihintay ng 39 ARBs kabilang ang mga miyembro ng tribong ATI ng nasabing barangay para mahati ang aabot sa 67 hectares na lupain sa kanilang barangay.
Sa talumpati ni Sec. Cruz, sinabi nito na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanila na ipamahagi at gawing produktibo ang lahat ng lupang pwedeng ipamahagi sa mga ARBs.
Sinabi rin nito na handa ang pamahalaan lalo na ang ahensya ng Agrarian Reform para tulungan ang mga ARBs para maging produktibo ang kanilang mga lupa.
“Sana po pangalagaan natin at gawing produktibo ‘yong natanggap nating lupa. Huwag po nating ibebenta, at isasangla, kailangan manatili sa inyo at sana mapamana niyo sa susunod na henerasyon,” hiling ni Sec. Cruz sa mga ARBs.
Samantala, nagpapasalamat naman sa DAR at sa pamahalaan ang mga ARBs na ngayon ay may sarili nang lupang sasakahin.
“Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa programa nito para magkaroon ng sariling lupang sasakahin ang ating mga magsasaka, at sa ating mahal na Secretary ng DAR na sinadya ang ating barangay,” pahayag ni Alfie Lorenzo, Tribal Chieftain ng ATI sa barangay.
Nangako ito na kanila itong pagyayamanin, lilinangin, at papaunlarin para rin sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
“Amin pong pangangalagaan ang inyong binigay na lupain upang sa aming salinlahi ay maipamana po namin,” dagdag pa nito.
Maliban kay DAR Secretary Bernie Cruz, dumalo rin sa pamamahagi ng CLOA sina DAR Usec. Lucius Malsi ng Finance, Management and Administration Office, DAR Mimaropa Regional Director Marvin V. Bernal, Asst. Regional Director Josefina Lopez, CARPO Ferdinand de Gala, kasama ang mga PARPOs mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon at si Pacito Canonoy, Chief Legal of Mimaropa Region and Regional Adjudicator.
Sinaksihan rin nina PARO Camilo Claro Pacquing ng DAR Romblon ang pamamahagi ng lupa kasama sina Chief Legal Atty. Javie de Jesus Fruelda, at LTS Caretaker Engr. David Magallon.