Nakapagtala ng mababang bilang ng mga insidente ng sunog ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa lalawigan ng Romblon nitong nakalipas na taon.
Ito ang ibinahagi ni Fire Officer 3 Alwayne Faderanga Refe, Chief Operation Section ng Odiongan BFP, sa programang Mata ng Bayan sa Radyo Natin Odiongan nitong ika-5 ng Marso.
Ayon kay Refe, bagama’t mababa ang kaso ay hindi umano nawawalan ng sunog.
Dahil rito, sinabi ni Refe na patuloy ang ipinatutupad na mga programa na BFP upang maiwasan ang sunog lalo na ngayong Fire Prevention Month.
“Hindi parin tuluyang nawawala [ang sunog] kaya nga po tuloy-tuloy parin naman ang programa ng Bureau of Fire Protection lalo na ng Odiongan Fire Station sa pangunguna ng aming hepe, Senior Inspector John Michael Ilao, na mas lalo pang paigtingin ang fire prevention activities namin,” ayon kay Refe.
“Para ito mas mahatid pa sa mga kababayan ‘yung mga paraan para mas makapag-iingat at makakaiwas sa mapaminsalang sunog,” dagdag pa ni Refe.
Samantala, ang mga kawani ng Provincial Office ng BFP sa Romblon ay patuloy rin sa pag-iikot sa iba’t ibang bayan sa lalawigan para sa iba’t ibang programang may kaugnayan sa Fire Prevention Month.
Sa isang panayam rin sa radyo kay BFP Romblon Provincial Director Fire Supt. Ramil Borja, sinabi ni Marso ang buwan na pinapaalala sa publiko kung paano maiwasan ang sunog.
Nagkakaroon umano sila ng lecture sa mga barangay kaugnay sa safety precautions at mga drills.
Bahagi rin ng programa ng BFP ngayong fire prevention month ay ang pagkakaroon ng expo sa katapusan ng buwan.