Tatlong (3) agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa bayan ng San Andres, Romblon ang nakatanggap ng sasakyan at fertilizer mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) nitong ika-2 ng Marso.
Ito ay tulong ng ahensya sa mga magsasakang miyembro ng Agrarian Reform Cooperative of Agpudlos, Marinorte Farmers Association, at JMP Farmers Association.
Pinangunahan ni DAR Secretary Bernie Cruz ang turn-over ceremony ng mga hauling equipment.
Para naman masiguro na mapapangalagaan at magagamit ng mga ARBOs ang ibinigay na kagamit ng DAR, pumirma ang 3 grupo kasama si Secretary Cruz sa isang memorandum of agreement.
Sa mensahe ni Secretary Cruz sa ginanap na seremonya, sinabi nito na handa ang ahensya ng DAR na tumulong sa mga ARBOs katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan at ang Provincial at Municipal Gov't ng San Andres.
Hiling ni Sec. Cruz sa mga ARBOs na pangalagaan ang mga kagamitang ito maging ang mga lupang kanilang natanggap mula sa pamahalaan.
Ikinagalak naman ng mga ARBOs ang pagpunta mismo ni DAR Secretary Cruz sa bayan ng San Andres upang pangunahan lang ang distribution ng mga kagamitang kanilang natanggap.
Ipinangako ni Marie Jean Gado, General Manager ng ARC Agpudlos, sa kalihim ng Repormang Pansakahan na kanilang aalagaan ang sasakyang ipinagkaloob sa kanila ng ahensya.
“Umasa po kayo na itong proyekto lalo na itong chariot at fertilizer na binigay niyo sa amin ay magagamit namin sa tamang paraan, lalong-lalo na sa pagpapaunlad nang aming asosasyon,” pahayag ni Gado.
“Ako po nagpapasalamat dahil sa walang sawang pagbibigay ng tulong ng inyong departamento. Napakaling tulong po ito sa amin lalo na kami ay nagsisimula palang,” dagdag pa nito.
Maliban kay DAR Secretary Bernie Cruz, dumalo rin sa pagtitipon sina DAR Usec. Lucius Malsi ng Finance, Management and Administration Office, DAR Mimaropa Regional Director Marvin V. Bernal, Asst. Regional Director Josefina Lopez, CARPO Ferdinand de Gala, kasama ang mga PARPOs mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon at si Pacito Canonoy, Chief Legal of Mimaropa Region and Regional Adjudicator.
Sinaksihan rin nina PARO Camilo Claro Pacquing ng DAR Romblon ang turn-over ceremony kasama sina Chief Legal Atty. Javie de Jesus Fruelda, at LTS Caretaker Engr. David Magallon.



































