Target ng Philippine National Police (PNP) na walang maganap na kahit isang insidente na may kaugnayan sa 2022 National and Local Elections.
Sa talumpati ni Police Brigadier General Sidney S. Hernia, Regional Director ng Police Regional Office IV-B Mimaropa sa kaniyang pagbisita sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) noong Pebrero 10, sinabi niya na hangad ng PNP ngayong darating na halalan ang zero election-related violence.
“Ang goal na ating na-set ay makamit ang zero violent incident related to election,” saad pa niya.
Ayon kay Hernia, alam niya na mabigat ang hangaring ito pero naniniwala aniya siya na kahit isang insidente lang ang mangyari ay maaaring may katumbas na buhay na mawala, kaya’t ito ang kaniyang hangarin para walang mawalang buhay sa mga kandidato at maging sa mga taga-suporta nito.
Dahil kung mayroon aniyang insidente, maaaring kabilang dito ang isang pulis at ayaw niyang mangyari iyon. Hinikayat niya ang mga pulis na gawin at kayaning makamit ito.
Matatandaang kamakailan ay nagsimula nang maglatag ng Comelec Checkpoint ang PPCPO sa ibat-ibang bahagi ng siyudad para matiyak na tahimik ang magaganap na halalan.(MCE/PIA-MIMAROPA,PALAWAN)