Piniling ipagdiwang ng pamunuan, mga kawani, estudyante, at ilang government at non-government agencies ang araw ng mga puso sa pamamagitan ng isang coastal cleanup bilang pagpapakita ng pagmamahal sa Inang Kalikasan.
Pinangunahan ito ni Romblon State University (RSU) President Dr. Merian P. Catajay-Mani, isang environmental advocate, na may pangunahing adbokasiya ang pangangalaga at pagprotekta sa kalikasan.
Tinataya na humigit kumulang limandaan (500) katao ang nakiisa sa makasaysayang gawaing ito na isinasagawa sa Barangay Budiong, Odiongan, Romblon.
“Ang pagmamahal sa Inang Kalikasan ay responsibilidad nating lahat, kaya’t pag-ibayuhin natin ang mga gawain na katulad nito, magpapatuloy tayo sa pagkamit ng isang malusog at mapayapang bukas na may pagpapahalaga sa mga yamang likha ng Diyos,” pahayag ni Dr. Mani sa kanyang ibinigay na talumpati.
Matatandaan na bago pa naging pangulo ng RSU si Dr. Mani ay aktibo na ito sa mga environmental advocacies kagaya ng tree at mangrove planting, coastal at river cleanup sa pamamagitan ng Love Affair with Mother Nature tuwing sasapit ang Pebrero 14, at maging ang Munting Basura ay Ibulsa Project ay kanyang pinasimulan din noong siya pa ay nakaupong pangulo ng Marinduque State College.
Sa pagtatapos ng coastal cleanup ay nagkaroon naman ng unity eco-walk bilang pagpapakita ng pagkaka-isa at ang iisang damdamin ng bawat sektor sa mga gawaing pang-kalikasan
Sa bawat araw na nagdaraan ay patuloy namang pinatutunayan ng Romblon State University ang kanilang hangarin na makapag ambag sa bayan, sa kabataan, sa lalawigan, at higit sa lahat sa kalikasan.