Bilang pagsisimula ng unang araw ng kampanyahan para sa mga tatakbong kandidato sa nasyunal na halalan, kasabay nito ay inilunsad ng madaling araw ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa ang programang ‘Secure, Accurate, Free/Fair Elections for National and Local Elections’ (SAFE NLE 2022) na ginanap sa Regional Headquarters ng kapulisan sa Camp Efigenio C Navarro, Brgy. Suqui sa lungsod na ito kamakailan.
Ang nasabing aktibidad ay kinabibilangan ng mga sektor ng mga kawani, simbahan at mamamayan (Kasimbayanan) na mula sa Commission on Election (COMELEC), Dept. of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Coast Guard (PCG), iba’t-ibang sekta ng relihiyon, mga sibilyan, kapulisan, kasundaluhan at iba pa upang makiisa sa panalangin para sa pagdaraos ng maayos, malinis at mapayapang halalan ngayong darating na Mayo 9.
Sa mensahe ni Police Regional Director PBGen Sidney S. Hernia, “ako ay natutuwa dahil ipinakita ng sambayanan ng Mimaropa at dito sa lalawigan ng Oriental Mindoro na tayong lahat ay nagkakaisa sa iisang layunin na maging mapayapa, ligtas at tahimik ang idaraos nating halalan.”
Ipinaabot din ni 203rd Brigade Commander ng Philippine Army, BGen Jose Augusto Villareal ang kanyang mensahe, anya “asahan ninyo na ang hanay ng kasundaluhan sa ating lalawigan ay nakikiisa at hindi kami mang-iiwan kasama ang kapulisan sa mithiin natin ang pagkakaroon ng mapayapang eleksiyon.”
Matapos magbigay ng mensahe, sinindihan ang isang kandila na siyang simbolo ng pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan at ipinasa ang ilaw sa lahat ng mga nakiisang sekta ng lipunan upang magbigay liwanag sa magandang layunin.
Sa huli ng aktibidad ay lumagda ang lahat sa isang ‘Pledge of Committment’ at pagkatapos ay nagpakawala ang mga pinuno ng puting kalapati na siyang sagisag ng kapayapaan. (DN/PIA-OrMin)