Sinusuportahan ni vice-presidential candidate and Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang kandidatura ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero para sa bagong anim na taong termino sa Senado sa Halalan 2022.
Inihayag ng presidential daughter ang kanyang buong pagsuporta sa kandidatura ni Escudero para sa Senado noong Sabado nang mag-stop over sa Matgnog, Sorsogon, galing Northern Samar, ang kanyang bike-ride campaign na Mahalin Natin Ang Pilipinas Ride.
“Meron din po akong hindi kasama sa UniTeam pero mga kaibigan ko pa rin at tinutulungan ko sila sa kanilang pagtakbo as senators… and of course, the governor of Sorsogon, si Senator Chiz Escudero,” ang sabi ni Mayor Inday Sara sa mga lokal na opisyal at tagasuporta sa isang programa sa Matnog Gymnasium.
Ayon kay Mayor Inday Sara, na tumatayong chairwoman ng Lakas-CMD at ng lokal na partido sa Davao na Hugpong ng Pagbabago, ang pagsuporta sa mga senatoriable na hindi kabilang sa UniTeam ay isang pagmamalas sa mundo na makakasulong ang bansa nang nagkakaisa at sama-sama sa kabila ng mga hamon na dulot ng pandemya.
“Gusto nating lagyan ng mukha ang kasabihang in unity there is strength,” paliwanag ng presidential daughter. “Gusto kong ipakita sa buong mundo na malakas ang Pilipinas dahil nagkakaisa po tayong lahat.”
Si Mayor Inday Sara ang pinakabagong nag-endorso kay Escudero na palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election survey kung saan ang pinakahuli’y ang Manila Bulletin-Tangere senatorial survey na isinagawa noong Enero 26-29 na nagranggo sa beteranong mambabatas sa number 1 matapos piliin ng 63.21% ng respondents.
Si Escudero, na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan at ang pagtulong sa pagbabangon ng bansa mula sa pandemya, ay nakatanggap din kamakailan ng pagsuporta sa kanyang kandidatura para sa Senado mula sa mga alkalde ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines.
Noong nakaraang taon, si Escudero ay kinuha sa senatorial slates ng mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.