Patuloy ang panawagan ng DOH CHD Mimaropa sa mga kababayan na kumpletuhin ang kanilang bakuna mula sa primary doses hanggang sa booster shot.
Ang panawagan ay bilang paanyaya sa publiko na lumahok sa ikatlong Bayanihan Bakunahan National Covid 19 Vaccination Days (NVD 3) ngayon February 10 hanggan 11.
“Ito ang isang daan para ma-prevent ang Omicron at ang iba pang Covid-19 variant (na kumalat). Napakalaking role ng vaccination dagdag sa implementasyon ng minimum public health standard, “ sabi ni Regional Director Mario S. Baquilod sa kanyang panimulang mensahe sa ika-sampung pulong ng Regional Vaccination Operation Center-Mimaropa noong Pebrero 8.
Una rito, sinabi ni Assistant Regional Director Vilma Diez sa isa sa mga panayam ng ‘Layag Mimaropa’, malaking tulong ang booster shot dahil magiging mild o hindi malubha ang talab ng Omicron o ang iba pang klase o variant ng Covid 19 at maiiwasan ang pagkakaospital.
Kung marami ang makakakumpleto ng bakuna, naniniwala si ARD Diez na marami ang makapagtatrabaho hanggang sa manumbalik ang sigla ng ekonomiya.
Target mabakunahan sa NVD 3 ang mga 12 taong gulang pataas.
Ang mga pwede nang bigyan ng booster, 18 taong gulang pataas, ay yung naturukan ng ikalawang dose tatlong buwan na ang nakakalipas o dalawang buwan ang nakakalipas matapos ang isang dose ng Janssen.
Aabot sa 87,504 ang target ng rehiyon para sa booster shot samantalang 64,171 naman para sa primary doses (dalawang dose ng bakuna o kaya isang dose ng Janssen)
Lahat-lahat aabot sa 151,675 ang bilang ng mga taong ang kailangan bakunahan sa Mimaropa.
Noong unang NVD, (Nobyembre 29 – Disyembre 1, 2021) ang Mimaropa ay nakapagtala ng 258,151 katao na nabakunahan.
Dahil nalagpasan ang target na 208,584, nakasama ang Mimaropa sa limang rehiyon na maraming nabakunahan.
Sa ikalawang NVD (Disyembre 15 -17, 2021), 240,396 na katao ang nabakunahan sa Mimaropa: Ito ay 94.78 % sa target na 253,629.
Subalit noong mga panahon iyon, tumawid ng Mindanao at Kabisayaan ang Bagyong Odette hanggang sa abutin at pinsalain ang Hilagang Palawan kabilang ang mga bayan ng Roxas at Aborlan at pati ang lungsod ng Puerto Princesa. (LP)