Nanawagan si presidential aspirant Bise President Leni Robredo sa mga gumagawa ng fake news na dapat tigilan na muna nila ang kanilang negosyong paggawa ng mga kasinungalingan lalo na’t panahon ngayon ng krisis. Binigyang-diin niya na ang panlilinlang na ito ay nakapipinsala sa publiko na nasa nasa mahirap na ngang sitwasyon.
“Maraming naniniwala sa fake news so inaabuso din. Sino ‘yung lugi? ‘Yung lugi ‘yung naniniwala, di ba? Hindi naman kami ‘yung lugi kasi di naman totoo. Pero ‘yung lugi ‘yung napapaniwala nila… nakakainis na gagawin nila ‘to at a time na may krisis,” pagbabahagi ni Robredo sa kanyang co-host, ang journalist na si Ka Ely Saludar, sa kanyang radio show, BISErbisyong LENI nuong Linggo, ika-9 ng Enero.
“ ’Yung sa ‘kin, ito na ‘yung trabaho nila, ito na ‘yung negosyo nila pero pag may krisis sana awat muna. Mali na nga ‘yung ginagawa nila pero nag-dodoble ‘yung kamalian pag ginagawa mo ‘yun na ang daming taong naghihirap. Kasalanan nila ‘yun, Ka Ely, sa taong bayan,” saad ng Bise Presidente.
Kamakailan lang ay kumalat ang fake news tungkol sa anak niyang si Tricia, na diumano ay hindi nag-quarantine pagdating niya mula United States nitong Pasko. Isang medical doctor, si Tricia ay nagpositibo sa COVID-19 at sumailalim sa quarantine sa isang isolation facility hanggang tuluyan siyang gumaling. Sa kanyang social media post ay ibinihagi ni Tricia ang kanyang karanasan, pati na rin ang pagkakaroon niya ng dengue habang nasa isolation facility.
Simula nang siya ay mahalal bilang Bise Presidente noong 2016, maraming fake news ang kumalat tungkol kay Robredo.
Ilang beses na rin nireport ng Bise Presidente at ang kanyang opisina ang mga fake news tungkol sa kanya sa isang ahensya ng gobyernong hindi na niya pinangalanan. Pero ayon sa Bise Presidente, wala pang naging aksyon ang ahensya tungkol sa mga kasong ito.
Ayon kay Robredo, ang kabiguang panagutin ang mga gumagawa ng fake news ay magdudulot lang ng isang bansa kung saan puro kasinungalingan ang nananaig.
“Nakikita natin, Ka Ely, ‘yung effect ng pag pinabayaan ‘yung fake news talagang ‘yung mindset ng mga tao, ‘yung mga paniniwala ng mga tao, napapaglaruan and nakikita natin ‘yun ngayon,” sabi ni Robredo.
Hinimok ni Robredo ang taumbayan na sama-samang labanan ang mga kasinungalingang ito upang magkaroon ng isang bansang naka-angkla sa katotohanan.
“’Yung sa ‘kin, kung desidido tayo na ‘yung bansa natin ay naka-angkla sa katotohanan, pagtulung-tulungan natin ‘to,” sabi ni Robredo.