Sa pagpasok ng bagong taon ay isa na namang Odionganon ang nagbigay dangal sa lalawigan kasama ang 3 pang Romblomanon matapos silang makapagtapos bilang Probationary Ensign ng Philippine Navy.
Ika-12 ng Enero nang magtapos si P/Ens Kristoffer Reuben M. Forcadas PN sa Philippine Naval Officer Candidate School sa San Antonio, Zambales.
Si Kristoffer o mas kilala sa pangalan na “Kev” ay 29 taong gulang at tubong Batiano, Odiongan, Romblon. Panganay na anak nina Jerry S. Forcadas at Merva M. Forcadas.
Dahil sa kanyang determinasyon na makatulong sa magulang ay nagpursige ito upang makamit niya ang kanyang mga pangarap.
Ayon kay Kev, “Sa gabay ng aking mga magulang at sa tulong ng aking Lolo Crisanto at Lola Prescila Forcadas, sila ang naging matibay kong pundasyon sa pagdidisiplina sa kung ano ako ngayon at siyempre sa biyaya at habag ng ating mahal na Panginoon.”
Dagdag pa niyang mensahe para sa mga kabataan at mga nangangarap na pumasok sa pagseserbisyong militar, “Huwag mong hahayaan na mawala ang tiwala mo sa sarili mo at huwag na huwag kang bibitiw sa pananalig sa Diyos, dahil sa tamang pagkakataon ibibigay ng Panginoon ang nais nya para sayo at sa kung saan ka nya tinawag.”
Ayon naman sa kanyang nag-iisang kapatid na si Joseph, “Si kuya ang nagtulak sakin na mangarap at palaging magsumikap dahil mahirap ang buhay. Siya yung naging gabay ko talaga nung bata pa ako.”
Siya ay nagtapos ng BS Marine Transportation sa Philippine Merchant Marine School at nagpatuloy ito ng Naval Officer Candidate Course sa Philippine Naval Officer Candidate School. Dahil sa pandemiya ay hindi naging madali ang pinagdaanang military training ni Kev. Ang dapat sanang anim (6) na buwan na training ay umabot ng sampung (10) buwan dahil pabago-bagong sitwasyon dahil sa Covid19.
Sa araw ng pagtatapos ay muli sanang magkakasama ang buong pamilya ngunit dahil sa muling pagtaas ng kaso ng Covid19 sa ibang parte ng Luzon ay hindi na natuloy ang pagluwas ng pamilya. Maging ang Philippine Naval Officer Candidate School ay hindi na rin nagpapasok ng bisita at ang pagtatapos ay ginanap na lamang virtually.