Limitado lang ang mga aktibidad sa pagdiriwang ng kapistahan ng Señor Sto. Niño de Romblon sa bayan ng Romblon, Romblon ngayong taon para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ayon kay Romblon Mayor Gerard Montojo sa isang panayam sa Radyo Pilipinas, matutuloy ang taunang Tonton ngunit walang magaganap na pahalik sa imahen at bilang na bilang ang religious activities na gagawin sa St. Joseph Cathedral.
Sinabi ng alkalde na dahil ito sa limitado lamang sa kanilang mga nasasakupan ang kumpleto na ang bakuna.
Mayroon man parada ngunit limitado lang sa mga tambolista ang mga kalahok dahil walang pasayaw na magaganap.
Bukod dito, may ilang paliga rin ang bayan para sa mga kabataan.
Ssa ngayon, ang Romblon, Romblon at ang buong Mimaropa ay nasa Alert Level 2.
Hinimok ni Mayor Montojo ang ibang mga deboto na ipagaliban muna ang pagdayo sa kanilang bayan ngayong taon.
Nauna ng idineklara ng alkalde ang special non-working holiday sa buong bayan sa darating na Biyernes, January 14.