Animo’y eksena sa pelikula ang naganap na habulan sa pagitan ng kapulisan at isang cargo truck na nagbabagsak ng mga hinihinalang droga sa lungsod ng Calapan hanggang sa bayan ng Pinamalayan matapos makipaghabulan simula sa barangay Lumangbayan na natapos sa Km.5 sa Sta. Isabel sa Calapan, gabi ng Enero 27.
Sa pinagsanib pwersa ng Police Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU) at Calapan City Drug Enforcement Team, nasakote ang mag-asawang Jovie st Rowena Nambio at Rommel Lacena Vitto na kapwa mga residente ng Brgy. Inclanay Pinamalayan matapos magsagawa ng drug buy-bust operation sa lungsod kung saan nabilhan nila ng isang sachet na may hinihinalang shabu sa halagang P2,000 ang driver na suspek.
Inabutan ng mga operatiba malapit sa boundry ng Brgy. Lumangbayan at Guinobatan ang isang Elf truck na may plakang UFR 709 at kanilang pinahinto ito ngunit agad na kumaripas ng takbo ang sasakyan ng kanilang malaman na pulis ang katransaksiyon.
Nang pakanan na ang sasakyan patungo sa km.5 ay pinaputukan ng pulis ang gulong sa likod ng sasakyan ngunit mabilis pa rin ang takbo nito at inabutan sa Police Community Precinct sa Brgy. Sta. Isabel.
Ayon sa hepe ng PPDEU na si PLt Robert De Guzman, nakuha nila sa loob ng sinasakyang truck ang 13 plastic sachets na may mala-kristal na bagay na tumitimbang ng 12.77 gramo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P86,836.
Kinumpiska din ng mg operatiba ang puting papel na pinagbalutan ng walong malalaking sachets at kaha ng posporo kung saan nakuha naman ang apat na maliliit na sachet at isa pang sachet na nakuha sa pintuan ng driver.
Bukod dito, nakita din sa truck ang isang rolyo ng aluminum foil at kinumpiska din ang sinasakyang truck at ang dalawang piraso na tig-1,000 marked money.
Samantala, nahaharap ang tatlo sa salang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na kasalukuyang nakapiit sa Calapan City Police Station.