Maaari nang mamasyal sa Puerto Princesa City ang mga turista simula sa December 8, 2021 dahil bubuksan na ang turismo ng siyudad, subalit limitado lamang sa mga domestic tourist.
Ito ang inanunsyo ni Atty. Norman Yap, ang tagapagsalita ng City Inter-Agency Task Force sa online presser ng City informartion Department noong Nobyembre 30.
“So simula Miyerkoles sa susunod na linggo, magsisimula na tayong tumanggap ng mga domestic tourist na nag-comply sa mga kundisyon ng tourism bubble,” pahayag pa niya.
Batay sa panuntunan, ang tinutukoy na domestic tourist ay ang mga residente ng Pilipinas na fully-vaccinated at hindi ang mga turista na galing sa ibang bansa.
Aniya, maaari ring isama ng isang domestic tourist ang kaniyang immediate family members tulad ng kaniyang mga magulang, lolo at lola, anak at apo na hindi bakunado dahil hindi pa maaaring bakunahan tulad ng mga batang 12 taong pababa at ang miyembro ng pamilya na hindi maaaring bakunahan dahil sa may karamdaman.
Dapat ang mga turista aniya ay makapagpakita ng negative antigen sa pamamagitan ng nasopharyngeal o oropharyngeal swab test sa loob ng 24 oras bago dumating, nakapre-book sa hotel na pinapayagan ng Department of Tourism (DOT) na magbukas ngayong may pandemya at sertipikado ng City Tourism Office (CTO) na sumusunod sa Tourism Bubble protocols.
Kailangan rin nilang magsumite ng kanilang point-to-point itineraries sa CTO habang nasa siyudad para sa pagtasa nito at pag-apruba at mayroon na ring return ticket.
Nagkasundo rin aniya ang LIATF na hanggang apat na araw at tatlong gabi lang papayagang manatili sa siyudad ang isang domestic tourist. Dahil sa pagbubukas ng turismo, ang dating 80 pasaherong sakay ng eroplano na pinapayagan ng LIATF ay itinaas na sa 160 pasahero kada byahe.