Pinaghahanda na ni San Jose, Romblon Mayor Ronnie Samson ang mga opisyal ng barangay sa kanilang bayan sa posibleng paglapit sa kanilang bayan ng bagyong Odette.
Sa panayam ngayong December 15 sa alkalde, sinabi nito na nakipagpulong na siya sa mga barangay kapitan sa kanilang lugar kung saan ipinaliwanag nila ang track ng nasabing bagyo at kung ano ang dapat ihanda.
Sinabi ng alkalde na ngayong may Tropical Cyclone Wind Signal na sa kanilang lugar, ipagbabawal na ang paglalagay ng mga sasakyang pandagat maging ang mga pagpapalaot ng mga maliliit na bangka.
Samantala, inihahanda na rin ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Municipal Social Welfare and Development Office ang mga relief packs na kanilang ipapamahagi kung may pamilya na kailangang ilikas mula sa mga low-lying areas.
Huling namataan ng Pagasa ang bagyong Odette sa layong 590 km East ng Hinatuan, Surigao del Sur at tinatahak ang Westward na direksyon sa bilis na 20 km/h.
May lakas ang hangin nitong 120 km/h malapit sa gitna at bugsong aabot sa 150 km/h.
Sa ngayon, maliban sa San Jose, nakataas na rin ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa mga bayan ng Cajidiocan, San Fernando, Magdiwang, Alcantara, Looc, at Santa Fe.