Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasama si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang ceremonial distribution ng tulong sa mga biktima ng bagyong Odette sa Palawan ngayong December 23,2021 na ginanap sa Puerto Princesa City. Kabilang sa mga ipinamahagi ang relief supplies at sleeping kits mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Sa talumpati ng Pangulo, binanggit niya na naglaan ng P10 bilyong pondo ang Office of the President kung saan bawa’t probinsiya na tinamaan ng bagyo ay makatatanggap ng tig-P100 milyon para pambili ng mga materyales sa paggawa ng bahay ng mga nawalan ng bahay dulot ng bagyo.
Aniya, iro-roll out ang pera sa mga gobernador at mga alkalde ng bawat lugar sa lalong madaling panahon. Dagdag pa ng Presidente, tumungo rin siya sa Palawan hindi lang magbigay ng tulong kundi para rin magbigay ng pag-asa sa mga biktima ng bagyo.
“Maski ngayong pasko magtatrabaho parin ako at marami akong pupuntahan yung mga lugar na gutom yung tao, may sakit na at hindi nakakakain doon sa mga maliit na sitio doon sa bukid kailangan mapuntahan yan” pahayag pa ni Pangulong Duterte.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Ginang Cybirth Jenn Alferez sa tulong na ipinagkaloob sa kaniya ng Pangulo, aniya napakalaking tulong ito sa kaniyang pamilya dahil nasira ang kanilang bahay sa bayan ng San Vicente.
Ayon naman kay Ginoong Mar Cosomo ng Barangay Bagong Sikat, Puerto Princesa City malaking tulong ito sa kanila dahil walang-wala talaga sila at nasira pa ang bahay ng dumaang bagyo.