Nagsagawa ng aerial inspection noong Disyembre 22 ang Office of Civil Defense Mimaropa, sa pangunguna ni Regional Director Major General Ruben L. Carandang (Ret.) kasama ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa Region at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Palawan sa mga lugar sa Palawan na sinalanta ng bagyong Odette noong Disyembre 17.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA)-Palawan kay RD Carandang, sinabi niya na nakumpirma nila na grabe ang ginawang pinasala ng bagyong Odette lalo sa mga bayan ng Roxas, Araceli at Dumaran.
“Talagang nakadapa talaga yung mga puno, tsaka yung mga bubong, majority ng mga infrastructure walang bubong”, ani Carandang.
Ayon sa kaniya, pagbalik niya sa Maynila ay agad nilang kukumpletuhin ang kaniyang ulat at magsusumite ng mga rekomendasyon sa mga nakatataas sa kaniya para sa agarang aksyon.
Base aniya sa ginawaing briefing sa kaniya ng PDRRMO at CDRRMO, ang mga agarang kailangan sa Palawan at sa Puerto Princesa City ay mga pagkain, tubig at tirahan ng mga biktima na nasira ang bahay ng bagyo kaya aniya kasama niya si Regional Director Fernando R. De Villa para malaman kung gaano karami ang dadalhing relief goods at kung papaano ito dadalhin dahil may problema sa transportasyon dulot ng putol na tulay at landslide sa mga kalsada.
Iminungkahi niya rin na dapat gumamit na ng air assets sa pagdadala ng relief goods dahil matatagalan kung gagamit ng barko magmula sa Maynila. Sa katunayan, humiling na aniya siya ng air charter na magdadala ng 30,000 food goods mula sa DSWD para agad maibigay sa libo-libong biktima ng bagyong Odette.
Bago ang aerial inspection, nakipagpulong muna si Carandang sa mga kinatawan ng LGU ng Palawan at ng Puerto Princesa City, Department of Interior and Local Government (DILG), at iba pang ahensiya.