Tumugon sa panawagan ng Office of Civil Defense (OCD)-Mimaropa na maagang magpalikas ang mga lokal na pamahalaan na maaring maapektuhan ng pagdaan ng Bagyong Odette.
Ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa sa kanilang DROMIC (Disaster Response Operations Monitoring and Information Center), 4,976 na katao ang naalis sa kanilang mga tinitirhan na maaring bahain o kaya pangyarihan ng landslide.
Mula sa nasabing bilang, may 4,952 ang nagsipaglikas sa mga evacuation center samantalang ang iba ay nakituloy sa mga kamag-anak tulad ng 24 na katao sa Boac, Marinduque.
Pinakamaraming lumikas sa Palawan (3,539); sa Cuyo-1,574, sa Magsaysay-1,012; Coron- 639; Quezon-150; Culion-89; at Cagayancillo-75.
Sa Oriental Mindoro, 1,141 ang lumikas: sa Bulalacao-1,070 at sa Mansalay-71.
Sa Marinduque, 165 ang lumikas: sa Torrijos-129, sa Boac-29 at sa Mogpog-7.
May mga bahay sa Torrijos na ginagamit bilang evacuation center na pag-aari ng mga pamilyang may kasunduan sa pamahalaan (tingnan ang larawan ng DSWD Mimaropa sa itaas).
Una rito, umapila si OCD Mimaropa Regional Director Ruben Carandang na agahan ang pagpapalikas at hindi sa oras na nananalasa ang bagyo.
Dahil daraan sa Sulu Sea daraan ang Bagyong Odette, inaasahan ni Director Carandang na lalakas pa si Odette naminsala na sa ilang lalawigan sa Kabisayaan at Kamindanawan kagabi at kaninang umaga.
Samantala, kasama sa ulat ng DSWD ang mga pasaherong naipit sa pagkakasela ng byahe sa barko kasunod ng pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa Oriental Mindoro.
Pitong daan at tatlumput anim na pasahero ang nakahimpil sa Roxas Port samantalang 222 naman ang nasa Calapan Port.
Labing-isa naman ang hindi nakabyahe sa Bulalacao.
Bukod sa mga stranded passengers, may 352 rolling cargo at 12 na sasakyan nasa Roxas Port; 78 na rolling at isang sasakyan sa Calapan port at 82 na truck, 15 na sasakyan sa Bulalacao port. (LP)