Maraming mga lugar sa limang lalawigan sa rehiyon ng Mimaropa ang puwedeng pagkunan o maging source ng renewable energy na magagamit ng mga tao.
Ito ang ibinahagi ni Dir. Michael Sinocruz, Assistant Director ng Department of Energy (DOE) – Energy Policy and Planning Bureau (EPPB), sa ginanap na Dagyaw: Open Government Virtual Town Hall Meeting nitong unang araw ng Disyembre.
Sa nasabing townhall meeting rin ay iniulat na batay sa energergy statistics ng Mimaropa, ang rehiyon ay may 3.2 million consumers at gumagamit sila ng 6.4GWh na kuryente bawat taon.
Sinabi ni Sinocruz na sa buong rehiyon ay nakapag-apruba na sila ng 43 renewable energy (RE) service contracts na may kabuoang kapasidad na aabot sa mahigit 300 megawats.
Ang bilang na ito ay binubuo ng 5 biomas projects, 2 geothermal projects, 13 hydrothermal projects, 17 solar projects at 6 wind projects.
“The DOE is advocating the expanded use of renewable application through the total electrification program and one of the primary focus of the total electrification program is solar to support more families gain access to sustainable energy. (Ang DOE ay isinusulong ang paggamit ng renewable energy sa pamamagitan ng total electrification program, na naka-focus sa solar [energy], para makapagbigay sa mga pamilya ng kakayahanang maka-access sa sustainable energy),” pahayag ni Dir. Sinocruz.
Ang nasabing programa ay naglalayong makapag-deploy ng portable solar home systems sa may mahigit 9,000 kabahayan sa Palawan at Mindoro provinces.
Ibinida rin ni Dir. Sinocruz ang 50-60 kw windpower project ng Romblon Electric Cooperative, sa pakikipagtulungan ng Japan Government, sa bayan ng Concepcion, Romblon.
Aniya, isinumite na nila ang endorsement paper nila sa National Economic and Development Authority (NEDA) para sa nasabing proyekto.