Hindi masyadong naapektuhan ng bagyong Odette ang buong probinsya ng Romblon nang ito ay manalasa sa bansa.
Ito ang sinabi ni Romblon Governor Jose Riano nang ito ay makapanayam sa Teleradyo nitong ika-17 ng Disyembre.
“Hindi po kami naapektuhan, pero until now po ay may mga munisipyo kaming talagang kung tingnan mo yung tracking ng bagyo ay tatamaan,” pahayag ng gobernador.
Sinabi ng gobernador na maagang nakapaghanda ang mga bayan na nasa ibabang bahagi ng probinsya, kagaya ng Looc, Santa Fe, San Jose, yung aming Carabao Island, at ang Sibuyan Island.
Katunayan nito, may ilang inilikas sa mga bayan ng Ferrol at San Fernando bilang pagsunod sa pagpapatupad ng forced evacuation.
““Pero may mga evacuees din kaming talagang pumunta sa evacuation center, like itong Ferrol meron kaming 130 person na pumunta sa evacuation, bayan ng San Fernando sa island of Sibuyan ay may mga nag-evacuate na 156 dito,” ayon sa gobernador.
Maaga rin umanong nagpalabas ng suspensyon ng klase at trabaho sa probinsya ang gobernador.
“Tsaka yung island [municipalities] namin na laging tinatamaan ng bagyo, yung Sibale, Banton tsaka Corcuerra ay talagang ano na sila, kumbaga nasanay na at once na may signal ‘no ay talagang naghahanda,” dagdag pa ng gobernador.