Tuloy-tuloy ang serbisyo ng Sangguinang Kabataan ng Alcantara, Romblon sa mga kabataan sa kanilang lugar sa gitna ng nararanasang pandemya ng bansa.
Sinabi ni Alcantara, Romblon SK Federation President Mike John Gain Rubio sa programang Network Briefing News nitong November 16, na nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang non-government organizations para sa iba’t ibang programa para sa mga kabataan.
Kabilang sa mga programang kanyang ibinida ay ang Be A Giver Program na naglalayong tumulong sa mga estudyante sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang klaseng mga bag at mga kapote.
Ito umano ay galing sa iba’t ibang donors na handang tumulong sa mga kabataan sa bayan.
Meron ring Hope In A Box program ang mga kabataan sa Alcantara kasama ang ibang kabataan sa iba pang bayan sa Romblon, na may misyon namang masigurong walang katabaang Romblomanon ang maiiwan pagdating sa edukasyon.
Nagsasagawa sila ng iba’t ibang turorial session kasama ang mga kabataang hirap sa pag-aaral. Nagbibigay rin sila ng mga learning materials katulad ng mga libro, notebook, at iba pa.
“Hope in a Box aims to reduce the anxiety of kids in the pandemic by providing them with learning materials that will give them structure in their daily lives. (Layunin ng Hope in a Box na mabawasan ang anxiety ng mga bata ngayong pandemya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanilang mga learning materials na makakatulong sa paghubog ng kanilang pang araw-araw na buhay),” pahayag ni Rubio.
Nakatakda na ring ilunsad ngayong buwan ang programa nila para sa mga bata kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month kabilang na ang pagbibigay ng mga tsinelas sa mga ito.