Isinagawa sa Lalawigan ng Palawan noong November 24 ang online ‘Talakayan kontra Covid-19:Senior Citizens Bida sa Bakuna’.
Ito ay pinangunahan ng Department of Health (DOH)-Mimaropa katuwang ang Philippine Information Agency (PIA)-Mimaropa, mga senior citizen focal person ng mga Municipal Social Welfare and Development (MSWDO), CSWDO, PSWDO, iba’t ibang Office of the Senior Citizen (OSCA) at PDOHO Palawan.
Layunin ng programa na maitaas ang bilang ng mga senior citizen na magpabakuna laban sa kontra Covid-19.
Sa tala kasi ng DOH Mimaropa, hanggang sa Nobyembre 23, 2021, ang fully vaccinated na senior citizen sa lalawigan ng Palawan ay nasa 27% pa lang o katumbas ng 18,855 sa halos 70K matatanda, habang ang nabakunahan ng first dose ay nasa 19,154.
Sa lungsod ng Puerto Princesa naman, ang senior citizen na fully vaccinated ay nasa 40% na habang 39% ang naka-first dose ng Covid-19 vaccine.
Ayon kay Romalyn Racho, Health Education and Promotion Head ng DOH Mimaropa, mas malaki ang posibilidad na tamaan ng Covid-19 kung hindi bakunado ang mga senior citizen. Sa katunayan aniya, marami ang naoospital na hindi bakunado.
Paliwanag pa niya, inunang bakunahan ang mga senior citizen para maging ligtas hindi lang sila, kundi pati na rin ang kanilang mga mahal sa buhay, maprotektahan ang ating health system at ang masiguro ang ekonomiya ng bansa.
Pinabulaanan niya rin ang mga maling impormasyon hinggil sa Covid-19 vaccine tulad ng minadali ang paggawa sa bakuna kaya hindi ito ligtas. Aniya, ang teknolohiya sa paggawa ng bakuna laban sa virus ng COVID-19 ay matagal nang pinag-aralan ng mga expert.
Hinikayat naman niya ang mga lokal na pamahalaan sa Palawan na gumawa ng mga paraan para mahikayat ang mga senior citizen na magpabakuna tulad ng pagbibigay ng insentibo.
Sa huli, maliban aniya sa pagpapabakuna, kailangang ituloy ang ang BIDA Behaviors o pagsunod sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa physical distancing. (MCE/PIA MIMAROPA,PALAWAN)