Humahantong na sa hindi magandang pangyayari ang pagkahumaling ng maraming Pinoy sa online gambling kaya dapat na bigyan na ito ng ibayong atensiyon ng pamahalaan.
Ito ang isiniwalat ni Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson sa harap ng media sa kanyang pagsasalita sa isang press conference sa San Rafael, Bulacan bago ang idinaos na “Online Kumustahan” (OK) sa lalawigan.
Kasama sa binanggit ni Lacson ay ang e-sabong dahil napabilang na ito sa seryosong problema ng lipunan bunga ng lumalalang pagkagumon ng maraming bilang ng mga Pinoy.
“May nabalitaan nga kami sa Pampanga. ‘Yung ama ng tahanan nagkautang—umabot ‘yung utang niya ng P600,000 gawa ng e-sabong. Nagpakamatay, ang naiwan ‘yung mga anak. So, maraming mga social problem na nakadugtong,” pagbubunyag ni Lacson sa mga reporters na dumalo sa press conference.
Higit aniyang nakakasugapa ang online gambling kumpara sa aktuwal na paglalaro at tayaan dahil hindi nararamdaman ng naglalaro na naglalabas siya ng aktuwal na pera at hindi rin ganap na mahihigpitan ng gobyerno dahil sa limitadong batas patungkol sa mga ganitong uri ng aktibidad.
“Alam niyo pagka ang ginagamit mo lang online, hindi mo nakikita ‘yung actual cash na lumalabas e. Sige ka lang nang sige, bahala na si Batman, doon nagkakaroon ng social problem. So, ito ‘yung titingnan natin, hindi lang e-sabong kundi lahat ng klase ng gambling,” ayon pa kay Lacson.
Walang batas na nakakasakop sa E-Sabong at ang panukalang lagyan na ito ng pamahalaan ng mga alituntunin ay nananatiling nakabinbin sa komite sa Mataas na Kapulungan.
Binanggit naman ng running mate ni Lacson na si Vicente Sotto III na tila naiipit sila sa nag-uumpugang bato sa usapin ng regulasyon sa E-Sabong.
“Ang pananaw ko diyan, we’re caught between the devil and the deep blue sea. Bakit? ‘Pag hindi mo binigyan ng franchise ‘yan, mag-o-operate pa rin, ‘di ba—iligal. At ‘pag sinabi nating iligal, e online, medyo may dayaan pa,” ayon kay Sotto.
“‘Pag binigyan mo naman (ng franchise), ayan na, ‘yung sinasabi ni Senator Lacson na problema na kahit sino pwede. E hindi lang nga, ano, hindi lang national; international e, ‘di ba?” banggit pa ng running mate ni Lacson.