Ginawaran na ng Commission on Higher Education (CHED) ang Palawan State University (PSU) ng ‘certificate of authority’ para sa pagbubukas ng limited face-to-face classes.
Ang certificate of authority para sa limited face-to-face classes ay para lamang sa mga kursong Bachelor of Science in Nursing, Bachelor of Science in Midwifery at Diploma in Midwifery ng nasabing unibersidad.
Personal itong iniabot ni CHED Chairperson J. Prospero De Vera III kasama si CHED Mimaropa Regional Director Atty. Joselito Alisuag kay PSU President Ramon M. Docto nitong Nobyembre 5, kasabay ng ceremonial vaccination para sa mga estudyante sa kolehiyo ng PSU.
Sa vaccination roll-out na tinaguriang PSU-Padyak para sa Kalusugan, 500 mga estudyante, kawani at mga guro ng PSU ang nabakunahan dito, na sinaksihan din ni Chairperson De Vera.
Ayon kay CHED Mimaropa Regional Director Atty. Joselito Alisuag, bago ang vaccination roll-out, ang hakbang na ito ng CHED ay bilang paghahanda sa pagbubukas ng limited face-to-face classes para sa Nursing at Midwifery program ng PSU.
Nakasaad naman sa Joint Memorandum Circular No. 2021-001 ng CHED at Department of Health (DOH) na dapat tiyakin ng mga paaralan na nabigyan ng ‘certificate of authority’ na masusunod ang lahat ng health protocols sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)