Ibinida ni Alcantara Mayor Riza Pamorada sa kanyang ika-tatlong State of the Municipality Address bilang alkalde ng bayan ang iba’t ibang accomplishment ng administrasyon noong 2020 at ng kasalukuyang taon kabilang na ang tuloy-tuloy na infrastructure project sa bayan sa gitna ng nararanasang pandemya.
Ayon sa alkalde, hindi umano mapigilin ng pandemya ang pagbuhos ng mga proyekto sa kanilang bayan.
Aniya, may labing-apat na mga proyeo na nagkakahalaga ng P24.8M ang natapos nito lamang nakalipas na sampung buwan kung saan 16,000 na katao ang nakikinabang na sa mga ito.
“Halos buwan-buwan [ngayong 2021] ay meron tayong proyekto na natatapos,” ayon sa talumpati ng alkalde.
Kabilang sa mga proyektong natapos sa bayan ay ang pagkakaroon ng maayos na Water System Supply sa bayan na pinondohan ng P6.98M mula sa Assistance to the Municipality ng Bayanihan Act.
“Bagama’t marami paring mga kailangan na gawin, ay malaki ang naitulong nito para mapaunlad ang serbisyo [ng tubig] dito sa ating bayan,” aniya.
Ibinahagi rin ng alkalde na may proyekto sa susunod na taon ang Department of Public Works and Highways sa bayan na mas tutulong pa sa water system ng lugar.
Nakapagtayo rin ng magandang evacuation center sa Barangay Camili mula naman sa Socio-Civic Project Fun na aabot sa P3M.
Iba’t ibang local acess road at farm to market road rin ang natapos nitong mga nakaraang mga buwan.
Maliban sa mga infrastructure project, ibinida rin ng alkalde sa kanyang State of the Municipality Address ang naging magandang pag-responde ng bayan sa Covid-19.
Ibinida rin nito ang patuloy na pagtaas ng taunang badyet ng bayan na aniya mula P70M na internal revenue allotment noong 2019 ay umakyat ito sa P84M ngayong taon at inaasahang madagdagan pa dahil sa Mandanas Ruling.
Sa tulong na rin ng 398 na aktibong negosyo sa bayan, ay patuloy na umuunlad ang ekonomiya ng Alcantara.
Samantala, pagdating sa agrikultura, may mahigit 3,354 na mga magsasaka at mangingisda sa bayan ang natulungan ng lokal na pamahalaan upang mapaunlad ang kanilang pagsasaka, hayupan, at pangingisda. Kasama rito ang 107 na nabigyan ng mga fertilizer vouchers mula sa Rice Resiliency Project ng pamahalaan.
Ibinida rin ng alkalde na naiskatuparan umano ng lokal na pamahalaan ng Alcantara ang iba’t ibang programa para sa mga pamilyang Alcantaranhon na may mga senior citizen, may kapansanan, at mga kabataan.
Aniya, 3,818 na mga Alcantaranhon ang nabigyan ng tulong para sa kanilang kagalingan at pagpapaunlad na may kabuuang halaga na P1.2M.
Katuwang ng ang Department of Social Welfare and Development, ang Provincial Gov’t at ang Office of the Congressman ay nakapaglaan sila ng P16.5M na pondo para sa proyekto para sa pamilyang Alcantaranhon kagaya ng mga Family Welfare Program, ayuda noong nagka-lockdown dahil sa pandemic, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at iba pa.