Nagpalabas ng cease-and-desist order ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa ginagawang konstrusyon sa Rizal Park sa Banton Island, Romblon.
“we therefore, issue a Cease-and-Desist Order (CDO), suspending all activities involving the development of the Rizal Park that endangers the integrity of the Fuerza de San Jose,” ayon sa kautusan ng NHCP.
Ayon sa NHCP, nakarating sa kanila na may ginagawang construction sa Rizal Park sa isla na maaring makaapekto sa integridad ng estraktura ng Fuerza de San Jose, na itinayo noon pang Spanish-era.
Batay kasi sa Article III ng National Cultural Heritage Act of 2009, lahat ng estraktura na mahigit 50 taon na ang tanda katulad ng Fuerza de San Jose ay itinuturing na Important Cultural Properties at protektado ng batas sa pagsasaayos at demolisyon.
Inutusan rin ng NHCP ang lokal na pamahalaan ng Banton sa pamumuno ni Mayor Milagros Faderanga na magpasa sa kanilang opisina ng development plan ng lugar.
Ang kautusan ay inilabas ng NHCP matapos ipaabot sa kanila ng Asi Studies Center for Culture & the Arts o ASCCA ang isang petisyon na humaharang sa development ng Rizal Park sa lugar.
Samantala, kinokonsedera na rin ng NHCP na lagyan ng historical marker sa 2022 ang Fuerza De San Jose.