Bukas na 24 oras simula ngayong unang araw ng Nobyembre ang itinayong Malasakit Center sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ayon kay RPH Administrator Mark Anthony Reyes, ito ay para mas mapaigting ang serbisyong medikal na maibibigay ng Malasakit Center sa mga Romblomanong may kailangan rito.
“Simula po sa araw na ito (Nov. 1, 2021) ay magiging 24 HOURS ang serbisyo ng MALASAKIT CENTER sa RPH para sa mga kababayan natin na kailangang dalhin sa RPH kahit dis oras ng gabi o madaling araw na hindi kailangan ng confinement sa RPH,” ayon sa kanyang anunsyo sa kanyang Faebook account.
Ang Malasakit Center sa Romblon Provincial Hospital ay binuksan noong nakaraang taon na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.
Ang serbisyo at tulong ng Malasakit Center ay nakatuon sa a mga mahihirap na pasyente, PWDs, senior citizens, solo parent, at 4Ps beneficiary.
Hangad nito na matulungan ang bawa’t hikahos na Pilipino sa panahon na ma-ospital at iba pang pangangailangang medikal.