Naging matagumpay ang pagsisimula nitong Lunes, November 29, ng National Vaccination Days sa probinsya ng Romblon matapos makapagbakuna ng may aabot sa 5091 na mga Romblomanon sa buong probinsya.
Batay sa talaan mula sa Department of Health Center for Health and Development Mimaropa, 34 percent ng 14,949 NVD target ang nabakunahan ngayong araw sa Romblon.
Layunin ng NVD na maideklara ang herd immunity hindi lamang sa Romblon maging sa buong bansa.
Sa tatlong araw na vaccination drive na ito target ng probinsya na makapagbakuna ng 44,848 na indibidwal laban sa Covid-19.
Sa bayan ng Odiongan, mapa-bata at matanda ay pumila upang mabakunahan ng Pfizer vaccine. Maaga palang sila ay pumila na para iwas sa dagsa ng mga tao pagdating ng tanhali.
Sama-sama rin ang iba’t ibang government agencies sa nasabing programa, kaya maliban sa mga health workers, may mga naka-deploy ring mga personnel ng Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology na tumutulong sa pagkuha ng blood pressure ng mga nagpapabakuna.
Nauna ng sinabi ng Provincial Health Office na may 62,540 doses ng iba’t ibang bakuna laban sa Covid-19 ang nakaantabay na sa iba’t ibang Rural Health Unit sa buong probinsya.