Hindi ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang bahagi ng Executive Order ni Governor Jose Riano na nagbabawal sa mga hindi bakunadong indibiwal na pumasok sa mga establisyemento ng gobyerno para mag-transak.
Ito ang inanunsyo ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang Facebook post nitong Sabado.
Aniya, hindi pipilitin ng lokal na pamahalaan ang sinuman na magpabakuna laban sa Covid-19 dahil walang batas para gawing mandatory ang pagbabakuna.
“Patuloy kaming tatanggap ng mga tao o kliyente sa Munisipyo, Palengke, at ibang sites ng LGU bakunado man sila o hindi,” ayon sa alkalde.
Bagama’t papayagan parin na mag-transak ang mga hindi bakunado, hinihikayat parin ng alkalde ang publiko na magpabakuna laban sa virus.
“Siyempre mas hinihikayat talaga natin na magpabakuna ang lahat, pero hindi ito dapat sapilitan o mandatory dahil nirerespeto natin ang perspektibo ng bawat isa,” pahayag ng alkalde.
Sinabi rin nito na hindi dapat umano makaapekto ang bakuna sa mga taong gustong humingi ng tulong at may kailangang serbisyon mula sa gobyerno.
Naghahanda na umano ang lokal na pamahalaan ng liham para sa Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kaugnay sa kautusan na ito.