Bukas na para sa mga turistsa na mula sa labas ng probinsya ng Romblon ang ilang tourism sites at attractions sa bayan ng San Jose, Romblon.
Ito ay kasunod ng pagluluwag ng probinsya ng Romblon sa quarantine restrictions alinsunod sa Executive Order na inilabas ni Governor Jose Riano noong nakaraang buwan.
Ayon sa Municipal Tourism Office, may 16 hotels at resort, 3 attractions, at 11 restaurants na ang bukas para sa mga fully-vaccinated individuals.
Sa Network Briefing News ngayong November 16, binida ni San Jose Mayor Ronnie Samson ang iba’t ibang tourist attractions sa isla kagaya ng mga naggagandahang mga beach, kuweba, at mga cliff diving sites.
“Hindi lamang mga-galing sa Boracay ang dumadayo rito kundi iba’t ibang banyaga rin po na gustong makita ang napakagandang island. Maliban sa white-sand beaches, marami pong activities na pwedeng gawin dito,” pagmamalaki ng alkalde.
Bagama’t malaki ang epekto ng pandemya sa industriya ng turismo sa kanilang lugar, nagpapasalamat ang alkalde sa pamalaang nasyonal sa pagtulong upang mas mai-promote ang isla ngayong maluwag na rito.
“Sa pamahalaang nasyonal, sa pamumuno ng ating magaling at matulunging President Rodrigo Duterte, nanawagan tayo na sana patuloy na tulungan ang aming maliit na isla na kung saan mai-promote natin sa turismo para ito ay maging malaking tulong din sa ating mga kababayan, sa probinsya ng Romblon, at sa economy ng bansang Pilipinas,” pasasalamat ng alkalde.
Para marating ang isla, maaring sumakay ng barko mula Batangas patungong Odiongan, Romblon at babiyahe naman sakay ng pumpboat patungong isla; o di kaya ay eroplano patungong Caticlan Airport at pumpboat patungong isla.
Base sa umiiral na patakaran sa isla, tanging ang mga fully-vaccinated individuals mula sa low-risk areas ang maaring bumisita sa isla nang hindi na kailangan ng quarantine at negative RT-PCR result.