May iilang paaralan na sa Distrito ng Alcantara sa probinsya ng Romblon ang handa na sa limited Face-to-face (F2F) classes.
Ito ang nasaksihan ni Schools District Supt. Maria Luisa Servando nang ito ay umikot noong nakaraang linggo sa Tablas Island upang makita ang ginagawang paghahanda ng mga paaralan para sa posibleng pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral.
Ayon kay Public Schools District Supervisor Jose O. Garcia, nagkaroon sila ng mga pagpupulong at konsultasyon sa mga magulang at mga guro upang kunin ang kanilang mga opinyon ukol sa muling pagbubukas ng mga paaralan.
Aniya, maraming magulang ang nagnanais na magbukas nang muli ang mga paaralan at muli nang makabalik ang kanilang mga anak sa eskwela.
Sinabi naman ni Malyn Galin, guro sa Alcantara Central Elementary School, na lubos ang suportang ipinakita ng mga magulang ng kanyang mga mag-aaral sa hakbang na ito ng paaralan.
Patunay umano nito ang pondong ginamit nila upang malagay ang mga plastic barrier na pandagdag proteksyon dahil ito ay mula sa mga magulang.
Personal ring tumulong ang mga ito sa paggawa ng mga plastic barriers.
Ang Alcantara Central Elementary School ay naghihintay na lamang ng Safety Seal mula sa kagawaran upang masimulan na ang limited face-to-face classes.
Ang Safety Seal ay ibinabahagi sa mga paaralang nakakasunod sa mga helath protocols laban sa COVID-19.