Sa gitna ng nararanasang pandemya ng bansa, nagkaroon ng pag-usbong ng iba’t ibang e-commerce business sa rehiyon ng Mimaropa.
Ito ang ibinahagi ni Department of Trade and Industry (DTI) – Mimaropa regional director Joel Valera sa ginanap na Economic and Financial Literacy Forum na inogranisa ng National Economic and Development Authority (NEDA) Mimaropa nitong ika-19 ng Nobyembre.
Sinabi ni Director Valera na may 6,212 ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs sa rehiyon ang pinasok ang e-commerce business.
Para matulungan ang mga ito, nagsagawa ang kanilang ahensya ng training series katulad nalang ng pagtanggap ng cashless payment, at ang pagsali sa LOCAD, isang logistic network na hindi lamang sa Pilipinas naghahatid ng produkto, kundi sa ibang bansa rin.
Aniya, sa panahon ngayon ay marami na talaga ang gumagamit na ng mga electronic devices kaya malaki umano ang market sa online businesses.
Sa gitna nito, nagpaalala si RD Valera sa mga MSMEs na siguraduhing rehistrado at may permit ang mga ito bago magbenta ng isang produkto para masiguro ang proteksyon ng mga mamimili.
“Kung yan ay kompleto na sa rehistro, malaki ang percentage niya, halos lahat ay protektado ang ating mga consumers,” pahayag ni RD Valera.
Ang EFL Forum ay isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang sa EFL Week alinsunod sa Republic Act No. 10922 o mas kilalang Economic and Financial Literacy Act. Ang ika-lawang linggo ng Nobyembre ay idineklara ng nabanggit na batas bilang EFL Week.