Naunsyami ang ongoing rehabilitation ng Rizal Park sa bayan ng Banton dahil sa inilabas na Cease and Desist Order ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), dahil masisira nito ang integridad ng Fuerza de San Jose – isa sa maituturing na historical structure, hindi lang sa bayan ng Banton kundi maging sa buong lalawigan, katulad din ng Fort San Andres sa bayan ng Romblon, Romblon.
Wrong move nga ito. Ganun pa man, totoong challenging sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Banton ang mga programang imprastraktura dahil nga sa limitadong lugar nito. Masasabi rin natin na limitado ang mga resources kung saan maaaring makaangat ng pundo ang lokal na pamahalaan.
I had a stint in Banton way back in 1996, noong nagtrabaho ako sa Philippine Coconut Authority (PCA). Sarili kong mata ang nakakita sa limitadong potensyal ng bayan sa development kung ang sasaligan lamang ay ang existing nitong resources tulad halimbawa ng agriculture, mostly coconut area, mga crops na kayang itanim sa bulubunduking lugar halimbawa ay mais at iba pang root crops, at syempre pangingisda dahil totoong mayaman ang Banton sa yamang-dagat.
Pero sasapat nga ba ang mga pangkabuhayang ito sa mga residente ng bayan, o kaya magiging sapat sa progreso ng bayan? Saganang akin ay hindi. Kaya nga ang nangyayari, may tinatawag sa Banton na ‘tumutungo sa Luzon’ ang mga residente upang magtrabaho.
Kaya ako man ay aminado na challenging sa mga local government officials ang magsulong ng mga proyekto at programa lalo ang imprastraktura o sa development ng bayan sa pangkalahatan. Maaaring maganda ang intensiyon ng mga opisyal ng bayan sa ginagawang rehabilitasyon, pero maaaring nakakaligtaan ang mas importante palang elemento ng isang potensyal na pagsulong at pag-unlad ng bayan.
Ngayon, ano nga ba ang dapat gawin o maging priority ng mga opisyal ng bayan?
Heritage Tourism
Mataas ang potential ng Banton sa turismo sa pangkalahatan, o heritage tourism sa partikular. May malinis itong mga beaches, may bundok na pwedeng akyatin na kapag narating mo ang toktok nito ay overlooking ito sa buong isla sa paligid tulad ng Simara, Tablas, Marinduque, at iba pa. Marami itong mga historical na lugar, tulad nga ng Fuerza de San Jose, at ang popular na Guyangan Cave. Maaaring gawing tourist attraction ang hunting season ng mga unggoy, kung pinapayagan man ito ng batas.
Maituturing ang Banton na pinagmulan ng kultura lalo na ng mga ‘Asi’. Sa madali’t sabi, mga ‘strengths’ ito na pwedeng linangin at palakasin pa ng mga opisyal ng bayan tungo sa pagpapalakas ng turismo at pangkalahatang pag-unlad ng Banton.
Bilang dagdag sa revenue o kabuhayan ng bayan mula sa agrikultura at pangingisda, malaki ang magiging kontribusyon ng turismo kung dito mag concentrate ang mga opisyal ng bayan sa kanilang development plan.
Otherwise, kung ang potensyal sa turismo ng Banton ay lalong mamamatay, mas lalong mawawala ang potensyal na kita ng bayan kung sa agrikultura at pangingisda lamang matatali ang kanilang kabuhayan.
Bakit hindi ito tingnan at balangkasain ng mga opisyal ng bayan, at suportahan ng provincial government? Gawing Heritage Tourism Capital ang Banton, at tiyak aakit ito ng mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa maging ng buong mundo. Tiyak na ang sinumang bibisita sa Romblon at mga island munisipalities nito, isa ang Banto sa dadaanan upang masilip ang mga itinatampok at popular na heritage tourist attractions.
Kaakibat nito ay papasok ang iba pang oportunidad sa kalakalan at komersiyo sa bayan na magbubukas sa maraming pangkabuhayan ng mga residente nito.
What’s your thought?