Personal na pinangunahan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman, Atty. Martin B. Delgra III ang pagsalin ng tungkulin at responsbilidad sa nagretirong opisyal ng Philippine Navy na si Loumer P. Bernabe bilang bagong direktor ng Regional Franchising and Regulatory Office Mimaropa mula kay Regional Director Renwick K. Rutaquio na ginanap sa isang simpleng seremonya sa Vencio’s Hotel and Restaurant sa lungsod na ito kamakailan.
Sa mensahe ni Chairman Delgra, “A public transport is a public need, (ang pampublikong transportasyon ay kailangan ng publiko) na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao upang makapunta sa kanilang destinasyon gayundin sa kanilang hanapbuhay.”
Anya, ang LTFRB ang siyang magsesiguro na ang mga sasakyan sa lansangan ay ligtas sakyan at madaling makakapunta sa paroroonan na dadaan sa tamang proseso na walang halong kalokohan (tulad ng korupsiyon) upang ito ay mapatunayan na ligtas at handang magamit ng taongbayan.
Kanyang inatasan ang bagong direktor na tugunan ang lahat ng pangangailangan ng sektor ng transportasyon at ikalawa, tutukan ang mga kolorum na bumibiyahe na hindi dumaan sa tamang proseso at magsagawa ng regular na inspeksiyon sa lansangan at i-impound ang mga ito.
Samantala, sinabi pa ni Delgra na maluwag na tinanggap ni Bernabe ang selyo ng tanggapan ng LTFRB bilang simbolo na kanyang inirerepresenta, gayundin ang otoridad na siyang ipinagkakaloob nito. Ngunit ang pinakamahalaga ay ang responsibilidad na dapat ituloy para sa kasiguruhan ng mga pampublikong sasakyan lalo na ang pangunahing programa ng Pangulong Rodrigo Duterte ay ang PUV Modernization Program na siyang dapat matuloy sa rehiyong Mimaropa.
Kamakailan lamang ay binuksan ang tanggapan LTFRB para sa rehiyon upang maibahagi ang mga programa at proyekto ng naturang ahensiya na dati’y matatagpuan lamang sa lungsod ng Lipa Batangas kung kaya ito ay hinati para magkaroon ng sariling tanggapan na matatagpuan sa J.P. Rizal St., Brgy. Lalud sa lungsod na ito.
Sinabi naman RD Bernabe, “bukas ang aming tanggapan sa mga nagnanais magkaroon ng prangkisa ang mga sasakyan at akin din pinapakiusapan ang sektor ng transportasyon sa buong rehiyon na handa kaming makinig sa anumang suhestiyon o hinaing upang ito ay aming matugunan sa lalong madaling panahon.”
Dumalo din sa naturang okasyon ang mga kawani ng Land Transportation Office (LTO) sa pangunguna ni District Head Merwin Quitain, LTFRB, grupo ng sektor ng transportasyon at mga lokal na mamamahayag. (DN/PIA-OrMin)