Nakakuha na naman mga tropapips ng bagsak na marka ang Pilipinas pagdating sa COVID-19 response ng pamahalaan. Pero siyempre, mahirap paniwalaan ito ng mga nasa gobyerno–lalo na malamang ni Health Secretary Francisco Duque III.
Unang naglabas ng masamang balita ang Bloomberg na sinabing kulelat ang Pilipinas sa COVID-19 resilience rankings nitong Setyembre na kinapapalooban ng 53 bansa.
Tinawag pa nilang “worst place to be” ang Pilipinas ngayong panahon ng pandemic dahil sa palpak daw na pagtugon sa COVID-19. At siyempre, kapag usapang pangkalusugan, una diyan ang Department of Health na pinamumunuan ni Duque.
Nahaharap daw ang Pilipinas sa “perfect storm” dahil sa mas nakahahawang Delta variant. Kasama pa sa pinuna ang mahinang COVID testing, at sapul din ang mga ipinatutupad na lockdown na nagpahina raw sa ekonomiya at kabuhayan ng mga tao.
Pero hirit naman ng gobyerno, aba’y mahigit 100 ang bansa sa mundo pero bakit 53 lang ang binanggit, at ginawang kulelet ang Pilipinas?
Ito ngayon mga tropapips, naglabas naman ng report ang isa pang international news organization na Nikkei Asia, tungkol pa rin sa COVID-19 Recovery Index, at mahigit 120 bansa ang kasama–ang Pilipinas, kulelat din na pang-121.
Pinagbasehan sa scoring ang infection management o pagtugon sa hawahan; programa sa pagbabakuna na sinasabing mabagal; at mobility, patungkol sa galaw ng mga tao, aktibidad at maging sa biyahe ng mga paliparan.
Sa bilang pa lang ng mga nabakunahan, sablay na agad dahil wala pa raw sa 30 porsiyento ng populasyon natin ang naturukan ng COVID vaccine. Mataas pa rin ang bilang ng mga nagkakasakit kumpara sa ibang bansa.
Katunayan, may pagkakataon pa nga nagkakahetot-hetot ang datos na inilalabas ng DOH tungkol sa bilang ng mga bagong kaso at maging ng mga pumanaw. Sa isang datos na nakita natin na inilabas ng DOH, N/A o not available ang nakalagay sa bilang ng mga bagong nasawi.
Habang ang kabuuang bilang ng mga nasawi, 38,828. Sa nagdaang mga linggo, nagiging problema pa ang gamot na panlaban sa COVID natin tulad ng Tocilizumab.
Mapapaisip siguro ang mga may mahal sa buhay na namatay sa COVID. Nakaligtas kaya sila sa pandemic kung naging “mas” mahusay lang ang pagtugon ng gobyerno sa problema lalo na ang DOH ni Duque, na ilang beses nang ipinanawagan na magbitiw?
Pero huwag mawalan ng pag-asa mga tropapips dahil kung hindi man magbitiw si Duque. Kamakailan kasi, sinasabing may gamot na ang pharmaceutical firm na Merck, na tinawag na “molnupiravir” na pangontra sa virus. Kaya raw ng gamot na ito na labanan ang lahat ng uri ng variant ng virus pati na ang Delta.
Bukod doon, kaya raw ng “molnupiravir” na maibaba ng 50 porsiyento ang peligro na maospital ang tinamaan ng COVID, o kaya ay mamamatay. Iyon nga lang, baka kung available na sa merkado ang gamot eh kulelat na naman ang Pilipinas sa pagkuha nito.
Baka madinig uli natin ang katwiran na hindi paunahan ang pagkuha ng gamot gaya ng sinabi noon sa bakuna.
Pero kung talagang naniniwala ang mga nasa gobyerno na hindi totoong kulelat ang Pilipinas sa pandemic response at mahusay ang trabaho ni Duque, aba’y bakit hindi siya isama sa senatorial ticket ng administrasyon at tingnan natin ang ganti, este pasya ng mga botante.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)