Pinarangalan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng MIMAROPA ang nangunang 100 kabataang magsasaka na kumasa sa Young Farmers Challenge nitong ika-12 ng Oktubre sa pamamagitan ng Zoom at nai-broadcast ng live sa opisyal na Facebook Page ng ahensya.
Ang nasabing proyekto ay ilan lamang sa mga pamamaraan ng Kagawaran na hikayatin ang mga kabataan na makiisa sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangisdaan ng bansa. Ang programang ito ay pinangungunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) kung saan nanghikayat at nagturo sila ng paggawa ng project proposal na siyang naging batayan sa pagpili ng mga kabataan nanalo ng P50,000 cash grant (bawat isa) bilang suporta sa kanilang agribusiness venture.
Sa 100 mga kabataan, 39 ay nagmula sa Oriental Mindoro, 12 mula sa Occidental Mindoro, 22 sa Romblon, siyam (9) sa Marinduqe at 18 naman sa Palawan. Mula dito, 47 enterprise na binubuo ng individual, partnership, at group venture ang gagabayan ng AMAD sa pagsasakatuparan ng kanilang panukala. Ilan sa mga ito ay pagmamanukan, pagbababuyan, aquaponics, hydroponics, crop production, aquaculture at food processing.
Ang mga napiling panukala ay nagmula sa 157 na mga aplikasyon na dumaan sa masusing pagsusuri ng mga hurado mula sa kinatawan ng Department of Trade and Industry at Agricultural Training Institute, mga Provincial Agriculturist sa rehiyon, at Presidente ng mga State Universities and Colleges.
Naging virtual man ang paggawad sa 100 kabataang magsasaka, nagkaroon pa rin ng mga mensahe mula kina Kalihim William D. Dar, Undersecretary for Consumers Affairs Kristine Evangelista, Senator Imee Marcos, at Regional Executive Director Antonio Gerundio ng DA-MIMAROPA.
“Pinatunayan ninyo na iba ang galing at husay ng kabataan sa larangan ng agrikultura at pagnenegosyo. Nalampasan ninyo ang aming hamon at binabati ko kayo sainyong nakamit na tagumpay! Kayo pong mga kabataang Pilipino ang pag-asa ng bayan, always remember that the Department of Agriculture is always here to provide support and craft policies and program that will help and empower young farmers and agripreneurs, ”mensahe ni Kalihim Dar sa mga kabataan.
“One hundred fifty-seven (157) of you have participated and you have shown your creativity and innovativeness sa inyong mga ginagawa, at yung ibang hindi nanalo there are still chances for you. Yung top 100, I hope na ang inyong matatanggap napremyo ay gagamitin niyo ng maayos. Kami sa DA ay nandito kami to help you with your start-up, ano man ang maging problema ay gagabayan namin kayo,” pangako naman ni RED Gerundio.
Bukod sa cash grant sa bawat kabataang nanalo, ang mga kabataan ay bibigyan-gabay din ng AMAD sa kanilang pagnenegosyo sa pamamagitan ng business planning, product development, at market linkage.
“What you plant in your mind will surely become a tree. Ito po ang napatunayan naming mga kabataan na lumahok sa Young Farmers Challenge. Maraming Salamat po kay Kalihim William Dar, sa aming Regional Director Antonio Gerundio, sa mga hurado, sa lahat ng staff na naging katuwang namin sa paggawa ng Business Management Canvass at pagpasa ng requirements dahil yo’ng in mind lang na proposal is now for implementation,” pagpapasalamat ni Charlot Magsino, isa sa nanalong kabataan mula sa Oriental Mindoro na magtatayo ng manukan sa kanilang bayan.