Madalas din ba kayong makakita noon mga tropapips ng nakasabit sa mga pampasaherong jeepney na may nakasulat na: “Basta driver, sweet lover.”
Kuwento ng ilang ayudanatics nating mga kurimaw na naranasang mamasada ng jeepney, may mga tsuper daw talagang “sweet lover” at nagiging higit sa isa ang pamilya.
Ang dahilan daw, sa dalas nga naman ng tsuper sa kalye, marami silang nakikilala. At kapag may natipuhang bebot, gagawa sila ng paraan para sa harap ito umupo. Bukod sa ililibre na ang pasahe, wala na rin siyang ibang katabi.
Ang palibre-libre ng pasahe at kuwentuhan habang nasa biyahe, mauuwi na sa date sa karinderya hanggang sa mahulog na sa bitag, este ang loob ng babae sa tsuper.
Sa pagkakaalam ng kurimaw natin na ayaw aminin na real life story niya ang ikinukuwento niya, may pagkakataon daw na alam ng ibang bebot na may sabit na si tsuper pera sige pa rin dahil love na niya si driver.
O kaya naman eh ipapaalam lang ni lover boy na taken na siya kapag alam na niyang hulog na hulog na ang bebot o kaya naman eh naisuko na ng “pasahero” ang “bataan” para hindi na makaatras.
Pero linawin lang natin mga tropapips, hindi naman lahat ng driver eh matulis na parang pulis. Marami rin ang loyal kay misis at ayaw ng sakit ng ulo sa itaas.
Ang pagiging sweet lover ng ilang tsuper, puwede naman daw pangatawanan noon na wala pang pandemic at hindi pa sumisipa na parang kabayo ang presyo ng krudo.
Ngunit ngayong panahon na dalawang buwan nang walang patid ang taas-presyo ng krudo na umaabot na sa mahigit P8 bawat litro ang nadagdag sa presyo; bukod pa sa natigil noon sa pasada dahil sa pandemic; at ngayon ay limitado naman ang dapat na isakay na pasahero dahil pa rin sa COVID-19–malabo raw na maging sweet ngayon ang mga driver, ayon sa kurimaw natin.
Sa halip nga sweet, naging “switik” ang maraming tsuper na nakikita nating pumapasada dahil hindi sumusunod sa patakaran sa dami ng pasahero. Sa halip na 50 percent capacity ang sakay nilang pasahero, aba’y ginagawa talaga nilang punuan at siksikan.
Bagaman alam natin na gusto nilang kumita ng malaki, dapat isipin din naman nila ang kaligtasan ng mga pasahero nila. Isang pasahero lang kasi na positibo ng Delta variant, masuwerte na kung tatlo o lima lang ang kaniyang mahahawahan.
At tatlo o limang pasahero na ito, kapag sumakay uli ng jeep sa pagpasok at pag-uwi nila, magkakalat din ng lagim. Ang resulta, malaking problema.
Ngayon, nag-iisip ng paraan ang pamahalaan kung papaano matutulungan ang mga tsuper sa tumataas na presyo ng krudo. Sa halip na taas-singil sa pasahe na maapektuhan ang mga pasahero, ang pagkakaloob ng subsidiya at service contracting program ang pinag-aaralan.
Pero bukod sa mga planong ito, maganda rin sigurong magbigay ng fuel coupon o points ang gobyerno at mga oil companies sa mga jeepney driver na sumusunod sa health protocols para maingganyo silang hindi gawing sardinas ang kanilang mga pasahero.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)