Payagan ang mga bakunadong manlalaro na makapaglaro sa mga paliga ng bayan ng Cajidiocan sa darating na Disyembre kasabay ng pagdiriwang ng bayan sa kanilang ika-121 na foundation anniversary.
Ito ang isinusulong sa ngayon ni SB Greggy Ramos, Focal Person ng Covid-19 Task Force ng bayan, para mas maingganyo pa umano ang mga kabataan at ilang mga taga-Cajidiocan na magpabakuna laban sa Covid-19.
“May consensus na kami sa Municipal IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) kaugnay nito at pinayagan na ang mga “non-contact sports” katulad ng volleyball, tennis at table tennis,” pahayag ni Ramos ng makausap ng Romblon News Network.
Aniya, ang sinusulong nila ngayon na mapayagan ay ang mga “contact sports” katulad ng basketball at soccer.
Kung sakaling payagan, sisiguraduhin umano ng lokal na pamahalaan na tanging mga bakunado lamang ang maaring sumali, at magkakaroon rin ng health check bawa’t magsisimula ang isang event.
“Strikto parin tayo, sa venue, yung social distacing sa mga manonood ay ipatutupad parin natin, at naka facemask ang mga players na wala sa loob ng court para maglaro,” pahayag pa ni SB Ramos.
Sinasabi rin ni Ramos na ang pagkakaroon umano ng mga ganitong aktibidad ay makakatulong sa mental health ng mga manlalaro, lalo na sa mga matagal ng hindi nakakapaglaro ng mga isports.
Dagdag pa nito, panahon na rin siguro umano para mag move-on ang bayan sa pandemya dahil marami na ang dumadating na mga bakuna at marami na rin ang nababakunahan.