Walang shortage kundi limitado lamang ang supply ng oxygen tanks sa Romblon Provincial Hospital (RPH). Ito ang pahayag ng Provincial Government ngayong hapon, kasunod ng mga ulat na nagkakaroon ng shortage ng oxygen tanks sa pinakamalaking ospital sa probinsya.
Sa panayam ngayong hapon ng Romblon News Network kay Atty. Lizette Mortel, Provincial Administrator, sinabi nitong may paparating na delivery ng mga oxygen tanks ngayong October 12.
“Sa ngayon per Dr. Anatalio we have oxygen[s] for RPH although mataas ang usage. [And] with the expected delivery tomorrow, mukhang wala kaming shortage,” pahayag ni Atty. Mortel.
Sinabi rin nito na mahirap umano mag-source out ng mga oxygen ngayon sa Batangas dahil mahaba umano ang pila sa mga refilling stations dahil sa kinakaharap na pandemya ng bansa.
Bilang solusyon umano sa ganitong problema, sa susunod na buwan ay bubuksan na ng Pamahalaang Panlalawigan ang Oxygen Generator Facility sa Romblon Provincial Hospital.
Samantala, nakarating na sa opisina ni Vice Governor Felix Ylagan ang problema patungkol sa supply ng oxygen sa RPH.
Sa isang mensahe ng bise gobernador na pinadala kay Justin De Castro ng Romblon Book Club, sinabi nitong sa inisyal na obserbasyon ay posibleng nagkaroon ng problema sa buffer stock at sa supply management.
“For the part of the legislative, I will request the Sanggunian to further look into the matter should there be any specific related measures that can be addressed relative to their powers and functions,” ayon sa bise gobernador.
Sinabi rin nitong wala pa siyang natatanggap na ulat na may nasawi sa RPH dahil sa kakulangan ng oxygen tanks sa ospital.