Isang buong araw na bakunahan laban sa Covid-19 ang isasagawa sa Romblon State University Main Campus sa Odiongan, Romblon sa darating na October 29.
Target ritong mabakunahan ang mga hindi pa bakunadong mga estudyante ng pamantasan laban sa virus.
Ayon kay Dr. Merian Mani, presidente ng RSU, layunin ng pamantasan katuwang ang Provincial Health Office at ang mga lokal na pamahalaan na mabakunahan ang 70% ng 17,287 na estudyante nila para muling makabalik sa face to face (F2F) classes.
“The target is to attain at least 70% of the 17,287 students to be fully vaccinated and 100% of the 823 faculty and non-teaching staff as required by CHED (Commission on Higher Education) to allow a limited F2F classes,” pahayag ni Dr. Mani.
Sa inanunsyo ng RSU sa kanilang Facebook page, Pfizer-BioNTech COVID-19 ang bakunang ituturok sa mga estudyante sa event na tinawag nilang RSU Resbakuna Marathon.
Pinayuhan naman ng administrasyon ang mga estudyanteng magpapabakuna na sumunod sa safety protocols katulad ng pagsusuot ng face masks at face shield maging ang pag-obserba sa social distancing.
Magsisimula ng alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang bakunahan sa RSU-Gymnasium.