Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng lokal na pamahalaan ng Romblon sa kanilang mga karagatang sisiksik sa yamang dagat.
Ito ang ibinahagi ni Romblon Mayor Gerard Montojo sa programang Network Briefing News ni PCOO Secretary Martin Andanar nitong ika-21 ng Oktubre.
Ayon kay Montojo, noon umano ay problema ng kanilang bayan ang pagpasok ng mga commercial fishing vessels mula ibang probinsya at pinapasok ang kanilang 15km coastal waters pero nang maghigpit ang kanilang bantay dagat sa pagbabantay, marami na umano silang nahuhuling mga isda.
“Sa ngayon, wala na. Very active ang mga Bantay Dagats natin. The farthest island barangay ko po ay about an hour boat ride from the main island, doon po halos pumupunta ‘yung mga commercial fishing boats na taga-ibang probinsya. Very active yan sila, isang tawag lang yan sa akin, nirerespondehan natin yan agad,” pahayag ng alkalde.
“Nakabili na po kami ng mga mabibilis na speedboats, dati kasi ginagamit lang namin mga ordinaryong bangka sa paghuli sa mga ito. Bago pa kami makarating doon sa laot ay nakakaalis na sila dahil mahigit 2 hours bago namin marating ang kanilang posisyon, pero sa ngayon po with the help of the Governor and Congressman Madrona, may mga speed boats po kami, in the span of 30 mins po kaya na namin silang habulin,” dagdag pa nito.
Inihayag na rin nitong may mga nahuli na silang mga commercial fishing boats ay nasamapahan na nila ng kaso sa korte.
Ang pinakabago umano rito ay noong Marso kung saan nakahuli sila commercial fishing boats malapit sa isla ng Banton.
Mahalaga umanong nahuhuli ang mga iligal na nangingisda sa kanilang lugar upang maibigay aniya ang pamumuhay na dapat ay sa mga taga-Romblon.
Sa ngayon, ang mga nahuhuling isda sa lugar ay inaangkat na sa ibang munisipyo sa lalawigan at sa iba pang probinsya sa Pilipinas kagaya ng Lucena.