Inaayos na ng lokal na pamahalaan ng Romblon, Romblon ang pasilidad na paglalagyan ng mga makinang gagamitin ng kanilang bayan sa pag-recycle ng mga recyclable materials.
Sa programang Network Briefing News ni PCOO Secretary Martin Andanar nitong ika-21 ng Oktubre, sinabi ni Romblon Mayor Gerard Montojo na nasa-initial stage na sila ng gawaing ito.
“Siguro by the start of 2022, we will be implementing this program to the fullest (Siguro sa pagsisimula ng 2022, aming ipapatupad ang buong programa). Kasi kakarating lang ng shredder machine namin at mga compactor,” ayon sa alkalde.
Ang mga dumating na machine ay mula sa Department of Trade and Industry at Department of Science and Technology, na kayang gawing pulbos ang mga plastic para magawa itong mga hallow blocks, plastic chairs at iba pa.
Sa ngayon, sinasanay na umano nila ang ilang residente ng Romblon, Romblon para gumamit ng mga nabanggit na makina.
Sinabi rin ng alkalde na nangangailangan nalang sila ng kontak para sa marketing ng mga produktong magagawa nila mula sa recycling facility nila.
Maaalalang hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng magandang programa upang maging maayos ang mga sanitary landfill sa iba’t ibang bansa.